Rodolfo Ompong Ordane Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordane

Apela sa DSWD: Bigyan ng angkop na benepisyo bilanggong senior citizens

50 Views

INIHIRIT ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ibigay din ang angkop na benepisyo sa mga nakakulong na senior citizens.

Alinsunod aniya sa umiiral na batas, walang diskriminasyon sa hanay ng mga nasa edad 60 pataas .

“Dahil hindi nakikita ang ating elderly persons deprived of liberty (PDL) kaya hindi na rin sila naiisip sa usapin ng mga programa at benepisyo para sa senior citizens,” paliwanag ni Ordanes.

Hiling ng mambabatas kay Social Welfare Sec. Rex Gatchalian at Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na magpalabas ng direktiba na maisama ang mga matatandang bilanggo sa indigent senior’s pension, gayundin na mairehistro sila bilang miyembro ng Philhealth.

Ang mga elderly PDLs naman sa mga lokal na kulungan ay kuwalipikado sa mga benepisyo at programa ng lokal na pamahalaan sa senior citizens, sabi pa ni Ordanes.

Naniniwala din ang mambabatas na kapag nagawa ito ng gobyerno, mapapadali na sa mga matatandang bilanggo na makabalik sa lipunan kapag sila ay nakalaya sa pamamagitan ng parole, pardon, executive clemency o dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Umapila din si Ordanes kay Pangulong Marcos Jr., na ikunsidera ang kondisyon ng mga matatanda ng magulang ni Mary Jane Veloso sa pagbibigay ng executive clemency sa dating overseas Filipina worker na nahatulan ng parusang kamatayan sa Indonesia dahil sa drug trafficking.

Ayon pa sa namumuno sa House Senior Citizens Committee tuwing Kapaskuhan ay tradisyon na ng Punong Ehekutibo na magpalaya ng mga bilanggo.