Valeriano

Apela sa MMDA: Konsiderasyon para sa mga MC riders

Mar Rodriguez Aug 2, 2023
336 Views

MULING nananawagan ang Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando S. Artes matapos itong magpalabas ng kautusan na huhulihin ang sinomang motorcycle riders na sisilong sa ilalim ng mga tulay o footbridges sa panahon na malakas ang ulan sa Metro Manila.

Nauna rito, umapela si Congressman Valeriano sa MMDA na magkaroon ng konsiderasyon para sa mga motorcycle riders na sumisilong sa ilalim ng mga tulay o footbridges sa panahon na abutan sila ng malakas na buhos ng ulan habang sila’y bumibiyahe o ginagampanan ang kanilang mga trabaho.

Subalit ikinatuwiran naman ng MMDA na maaaring maging sanhi ng aksidente ang pagkukumpulan o pag-iipon ipon ng mga motorcycle riders sa ilalim ng mga tulay at footbridges dahil posible umano silang mabangga o matumbok ng mga dumadaang sasakyan o truck.

Matapos ilabas ng MMDA ang nasabing kautusan, sinabi ni Valeriano na muli siyang nananawagan at humihingi ng konsiderasyon kay MMDA Chairman Artes para maunawaan nito ang kaawa-awang kalagayan ng mga motorcycle riders sa tuwing bumubuhos ang malakas na ulan sa Metro Manila. sapagkat wala naman aniya silang maaaring ibang silungan maliban sa mga tulay at footbridges.

Binigyang diin ng kongresista na kung hindi sila sisilong sa mga nasabing lugar ay mas malaki ang posibilidad na madisgrasya ang mga motorcycle riders kapag matindi ang buhos ng malakas na ulan dahil maaari silang madulas o sumadsad dulot ng basang kalsada.

“Saan naman nila gustong sumilong ang mga motorcycle riders? Ito naman mga taong ito ay hindi naman naglalaro kundi naghahanap buhay sila. Kung susuungin naman nila ang malakas na ulan ay maaari silang madisgrasya. Gusto ba ng MMDA na mangyari iyon? Minsan lang naman dumating ang ulan. Hindi nman nila madalas ginagawa ng mag-ipon ipon sa ilalim ng mga tulay kundi kung sa panahon lang na malakas ang ulan. sana ay magkaroon ng konsiderasyon sa ating paki-usap si MMDA Chairman Artes,” paliwanag ni Valeriano.

Dahil dito, iginigiit ng Manila solon na hindi dapat abusuhin ng MMDA ang kanilang “discretion” sa halip ay kailangan nilang balansehin ang sitwasyon at tignang mabuti kung makatuwiran ba o hindi ang pagsilong ng mga motorcycle riders sa mga nabanggit na lugar at kailangan din suriing mabuti ng MMDA makatarungan ba o hindi ang kanilang inilabas na kautusan o direktiba.