Calendar
App sa lagay ng panahon inilunsad ng PAGASA
INILUNSAD ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang PANaHON (PAGASA National Hydro-Meteorological Observing Network) app na magbibigay sa publiko ng real-time information hinggil sa lagay ng panahon.
Kasabay ang app launching ng pagdiriwang ng Typhoon and Flood Awareness Week (TFAW) kung kailan ipinakilala ng ahensya ang app na naglalaman ng mga pagtataya sa pag-ulan, temperatura at heat index, babala ukol sa bagyo, thunderstorm, malalakas na pag-ulan at pagbaha.
Ayon sa PAGASA, makatatanggap ang mga app users ng agarang abiso sa kanilang mobile devices, kabilang ang tropical cyclone bulletins, thunderstorm warnings, heavy rainfall warnings at flood advisories.
Sinabi ni PAGASA Information Officer III Loren Estrebillo na may interactive map ang app na nagpapakita ng near real-time weather updates at location-based alerts upang mas madaling mabantayan ng publiko ang mga posibleng panganib sa kanilang lugar.
Nagtatampok din ang PANaHON ng hourly forecast at limang-araw na weather outlook upang makatulong sa pagpaplano at paghahanda ng mga mamamayan.
Mahalaga ang kahandaan ng bawat sektor dahil kabilang pa rin ang Pilipinas sa mga bansang pinakaapektado ng mga kalamidad at matinding kondisyon ng panahon, sabi ng PAGASA.
Pinayuhan ang publiko na subaybayan ang mga opisyal na anunsyo ng PAGASA para sa mga pinakabagong weather updates at babala.

