Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla. Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla.

Appointment ni DILG Sec. Remulla inendorso ng CA committee

107 Views

INENDORSO ng Commission on Appointments (CA) Committee on the Interior and Local Government nitong Miyerkules, Nobyembre 20, 2024, para sa plenary approval ang ad interim appointment ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla.

Si Remulla ay naging gobernador ng Cavite, naging bise-gobernador din at miyembro ng provincial board.

Bagamat una nang naghain ng kandidatura para sa ikatlong termino bilang gobernador ng Cavite para sa halalan sa 2025, binawi ni Remulla ang kanyang kandidatura noong Oktubre 7, 2024, matapos siyang italaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang DILG Secretary kapalit ni Benhur Abalos, na naghahanda para sa senatorial race.

Sa kanyang confirmation hearing, tinalakay ang mga isyung kaugnay ng pamamahala, kabilang ang reporma sa pulisya, pagsugpo sa mga illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at scam hubs, at kahandaan sa sakuna.

Nanawagan si Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros kay Remulla na tiyaking masusugpo ang lahat ng illegal POGOs at scam hubs bago matapos ang taon.

Binanggit ni Hontiveros na marami sa mga illegal operators ang lumilipat sa decentralized na lokasyon upang makaiwas sa inspeksyon.

“One problem is that following the approaching deadline of their operations these businesses have started moving from large centralized offices to more spread out decentralized locations. So how will the DILG ensure that all these establishments, especially the scam hubs, will really be shut down by the end of the year?” tanong ni Hontiveros.

Bilang tugon, binigyang-diin ni Remulla ang mahalagang papel ng mga local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng regulasyon.

Aniya, ang kapangyarihan ng mga lokal na opisyal na bisitahin at suriin ang mga establisyemento sa kanilang nasasakupan ay susi upang matuldukan ang operasyon ng mga illegal POGOs at scam.

Inihayag ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP), ang suporta sa plano ni Remulla na gawing mas lean at streamlined ang PNP, ngunit binigyang-diin ang pangangailangan na pangalagaan ang morale at kapakanan ng mga pulis.

“While we are going to (streamline), I hope, the changes in the organization, especially in streamlining the number of generals, will not be such drastic. Please take into consideration their morale and welfare,” sabi ni Dela Rosa.

Idinagdag ni Dela Rosa na ang PNP ay population-based, na nangangailangan ng tamang bilang ng pulis upang maserbisyuhan ang populasyon.

Sa kasalukuyan, ang ideal ratio ay 1:500 ngunit ang 225,000 pulis ay hindi sapat para sa populasyon ng bansa na 117 milyon.

Sa kanyang co-sponsorship speech, pinuri ni Senator Loren Legarda ang hangarin ni Remulla na gawing digital ang operasyon ng LGUs at palawakin ang 911 emergency response system.

Tinawag niya ang pamumuno ni Remulla bilang isang modelo para sa iba pang LGUs.

“Secretary Remulla’s commitment to good governance and modernization is well-aligned with the global shift toward efficiency and transparency,” ani Legarda.

Binigyang-diin naman ni Senator Joel Villanueva ang mga nagawa ni Remulla bilang gobernador ng Cavite, lalo na sa larangan ng edukasyon, imprastruktura, at disaster management.

Inihalimbawa niya ang Wireless Access Program on Governance (WAPOG), na nagbigay ng libreng internet sa mga mag-aaral bilang patunay ng makabagong pamamahala ni Remulla.

Samantala, buong suporta rin ang ibinigay ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go kay Remulla, na tinawag niyang “man of principle, dignity, and honor.”

“With Gov. Remulla at the helm, I am sure he will serve the public with excellence. Just continue the fight against drugs, criminality, and corruption in the government,” ani Go.

Ang pag-endorso ng CA sa appointment ni Remulla ay nagbubukas ng daan para sa kanyang plenary confirmation.

Bilang DILG Secretary, inaasahan na haharapin ni Remulla ang mga mahahalagang isyu tulad ng reporma sa pulisya, pagsugpo sa illegal POGOs, at kahandaan sa sakuna, habang itinutulak ang modernisasyon at pagiging epektibo ng lokal na pamahalaan.