Calendar
Appropriations committee umapela sa agarang pagpasa ng P6.352T badyet para sa 2025
PORMAL ng inendorso ng House Committee on Appropriations sa plenaryo ang panukalang P6.352 trilyong badyet para sa 2025, ang hudyat ng pagsisimula ng mahalagang debate kaugnay ng planong paggastos sa pondo sa susunod na taon.
Umapela sina Appropriations Committee Chairman Zaldy Co, ng Ako Bicol, at Senior Vice Chair Stella Luz Quimbo, ng Marikina City, sa kanilang mga kasamahan sa Kamara na bigyang-prayoridad ang agarang pagpasa ng House Bill No. 10800, o ang 2025 General Appropriations Bill (GAB).
Isinalang sa plenaryo ang panukalang badyet matapos ang anim na linggong masinsinang pagsusuri, na mahalaga upang masigurong makakamit ng pamahalaan ang mga prayoridad nito at matugunan ang mga pangangailangan ng bansa sa susunod na taon.
Sa kanyang sponsorship speech, binigyang-diin ni Co ang kahalagahan ng badyet bilang isang pagsasabuhay ng “power of the purse” ng Kongreso, na tinututukan ang mahalagang papel nito sa pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipino at sa pagsulong ng pag-unlad ng bansa.
“Bilang kinatawan ng taumbayan, tungkulin nating tiyakin na ang yaman ng pamahalaan ay nakatalaga nang wasto, patas, at mahusay. Tinutupad natin ang sinumpaang tungkulin na mapaglingkuran ang sambayanan,” saad nito.
Binigyan-diin ni Co ang kahalagahan na magamit ang pondo ng naayon sa batas upang masiguro ang pagiging tapat at may pananagutan sa paggasta ng gobyerno.
“Walang pera ang maaaring gastusin mula sa kaban ng bayan nang labag sa batas, kaya’t mahalaga ang pagpasa ng [GAB],” giit pa ng mambabatas.
Sinabi ni Co na tinitiyak ng panukalang badyet ang paglalaan ng pondo para sa mga pampublikong programa at proyekto, na maghahatid ng mahahalagang serbisyo habang sinusuportahan ang paglago ng ekonomiya at lipunan.
Ipinaliwanag ni Co na ang panukalang badyet ay nakatuon sa pagtiyak na ang mga kinakailangang pondo ay mapupunta sa mga mahahalagang programa at proyekto ng pamahalaan.
“Pinopondohan nito ang mga pampublikong programa at proyekto. Tinitiyak ang epektibong paghahatid ng mahahalagang serbisyo. At itinataguyod ang pag-unlad ng pambansang ekonomiya at lipunan,” saad pa nito.
Kabilang sa pangunahing binibigyan tuon ng badyet ang pagpapaunlad ng bawat indibidwal at lipunan, paglikha ng trabaho, at pagpapabuti ng imprastraktura at pamamahala ng bansa.
Ang edukasyon, bilang pangunahing prayoridad, ay pinaglaanan ng P977.6 bilyon upang matiyak na accessible, at quality education para sa lahat ng Pilipino. Ang public works and highways ay makatatanggap ng P900 bilyon, habang ang sektor ng kalusugan ay makatatanggap ng P297.6 bilyon upang mapabuti ang mga serbisyo sa kalusugan sa buong bansa. Ang human and social development programs ay makakatanggap ng P2.120 trilyon, na kumakatawan sa 33.38% ng kabuuang badyet.
Nakaayon din ang 2025 GAB sa “legacy projects” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., na nakatuon sa mga specialty hospitals, seguridad sa pagkain, at pabahay para sa mga mahihirap.
“Nakasentro ang atensyon ng pamahalaan na tiyaking may maayos tayong mga ospital para alagaan ang mga Pilipino, may sapat tayong pagkain, at may disenteng tirahan,” ayon kay Co.
Binigyang-diin naman ni Quimbo na ang pambansang badyet ay hindi lamang koleksyon ng mga numero—kundi ito ay isang komprehensibong plano upang tugunan ang mga hamon na kinakaharap ng pamilyang Pilipino araw-araw.
“I stand before you today, not just as a public servant, but as a fellow Filipino, fully aware of the daily challenges our people face—the high cost of basic needs, especially rice and electricity, to unforeseen events such as illness, death, and job loss that can easily push a family into poverty,” ayon kay Quimbo.
Tinawag din ni Quimbo ang badyet bilang “book of solutions” na idinisenyo upang itaas ang estado ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtugon sa mga mahahalagang usapin.
Bukod sa education at healthcare, binigyang-tuon din ni Quimbo ang kahalagahan ng paglalaan ng P211.3 bilyon sa agriculture sector, na naglalayong tiyakin ang seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga magsasaka at pagtiyak ng sapat at abot-kayang pagkain para sa mga Filipino.
Binanggit din ng lady solon, ang P253.378 bilyong na inilaan para sa social assistance programs o “ayuda,” na dinisenyo upang suportahan ang mga mahihirap at nangangailangan.
Kumpiyansa si Quimbo sa positibong paglago ng ekonomiya na naabot ng bansa, na nagtala ng 6.3% na pagtaas sa GDP sa unang semestre ng 2024, na dulot ng maayos na pamamahala sa pananalapi.
Inihalimbawa rin niya ang 3.3 percent inflation rate noong Agosto, na mas higit na mababa kaysa sa mga datos ng nakaraang taon, at ang bumababang unemployment rate, na bumaba sa 4.7%, kung saan mas maraming Pilipino ang nakakakuha ng dekalidad na trabaho.
Binanggit din ni Quimbo, na ang 2025 GAB ay idinisenyo upang tiyakin ang patuloy na pag-unlad ng bansa ay makakamit, at naglalayong tiyakin na ang mga benepisyo ng pag-unlad ay makakarating sa mga tao na pinaka nangangailangan ng tulong.
“Narito tayo ngayon hindi para magturuan, kundi para tiyakin na ang badyet na ating tatalakayin ay magsisilbing gabay tungo sa mas maliwanag na kinabukasan,” saad pa ni Quimbo. “Isang badyet na magbibigay ng tiwala sa bawat Pilipino na ang pamahalaan ay tapat na naglilingkod para sa kanilang kapakanan.”
Dagdag pa ni Quimbo, “Ang badyet na ito ay hindi lang mga numero—ito ay plano para matiyak na bawat piso ay magagamit nang tama at mararamdaman ng bawat Pilipino, lalo na ng mga pinaka-nangangailangan. Sama-sama nating isusulong ang badyet na magbibigay ng pag-asa at progreso.”