Ribbon Ang ceremonial ribbon-cutting para sa turnover ng Labueg-Taba-ao farm-to-market road sa Lomon, Kapangan, Benguet. Source: DAR

ARBs sa Benguet lalaki na kita, byahe bibilis sa bagong FMR

Cory Martinez Mar 30, 2025
21 Views

GAWA na ang P10 milyong Labueg-Taba-ao farm-to-market road (FMR) kaya mas madali ng maibibiyahe ng mga agrarian reform beneficiaries (ARB) sa Benguet ang ang kanilang mga produkto, ayon sa Department of Agrarian Reform (DAR).

Ayon kay Von Mark Mendoza, DAR Project Management Services (PMS) OIC-Director IV, makikinabang ang 769 ARBs sa Lomon, Kapangan, Benguet sa naturang kalsada na pinondohan sa ilalim ng Agrarian Reform Fund (ARF).

Mapapadali sa pagdala ng ani, magbabawas ng pagkalugi pagkatapos mag-ani at pagpapalawak ng pamilihan para sa mga magsasaka ang 1.267-kilometrong FMR kaya mas madali nilang maibebenta ang kanilang produkto.

“Ang proyektong ito pagtupad ng aming pangako na gawing mas mabilis ang serbisyo ng gobyerno, lalo na sa ating mga ARBs.

Ang FMR na ito magsisilbing tulay tungo sa mas maginhawang pamumuhay para sa kanila,” ani Mendoza.

Nagpasalamat si Winston Tadpol, isang ARB, sa DAR. “Lubos kaming nagpapasalamat sa proyektong ito ng DAR. Malaking ginhawa ito para sa amin dahil mas madali na naming mararating ang aming mga destinasyon.”

Nagpasalamat din si Kapangan Mayor Manny Fermin sa DAR at Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa kanilang suporta at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno sa pagpapaunlad ng mga pamayanan.

Ayon kay DAR-Cordillera Administrative Region (DAR-CAR) Regional Director Samuel Solomero, patuloy ang DAR sa pagpapatupad ng mga programang makakatulong sa mga ARBs.

Kabilang dito ang Project SPLIT, na nagbibigay ng seguridad sa lupa para sa mga ARBs, at ang VISTA Project, ang 6-year program na naglalayong pagandahin ang pag-unlad sa kanayunan, seguridad sa pagkain at pangangalaga sa kalikasan.

Dumalo sa turn-over ceremony ang mga kinatawan mula sa DAR Central Office, DAR-CAR, DPWH, mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga ARB mula sa Labueg at Taba-ao.

Sa pamamagitan ng FMR na ito, muling pinagtitibay ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III ang pangako ng DAR na pagbutihin ang kalidad ng buhay ng ARBs, lalo na sa mga malalayong komunidad ng mga magsasaka.