Arceo naupo na bilang bagong SPD director

Edd Reyes Jun 19, 2025
14 Views

NAUPO na bilang bagong director ng Southern Police District (SPD) si P/BGen. Randy Ygay Arceo matapos ang pagsasalin ng kapangyarihan noong Huwebes sa SPD headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Pinangunahan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/MGen. Anthony Aberin ang turnover kung saan inilipat na ni outgoing director P/BGen. Joseph Arguelles ang kapangyarihan kay Arceo.

Si Arguelles ay itinalaga ni PNP Chief P/Gen. Nicolas Torre III bilang bagong director ng Police Regional Office (PRO)-1 sa malawakang pagbalasa sa mga police generals.

Tinitiyak ni Brig. Gen. Arceo na ipatutupad niya ang disiplina sa hanay ng uniformed at non-uniformed personnel ng SPD.

Sinabi pa ni Arceo na simula sa araw ng kanyang panunungkulan ay mararamdaman na ng mga mamamayan, hindi lang ang presensya ng mga pulis, ang pagpapakita nila ng paggalang sa kanyang mga nasasakupan.

Bilang pagtugon sa direktiba ni MGen. Aberin, ipapatupad din aniya niya ang “simulation exercise” sa mga pulis na dalawang beses kada ship upang maging masigla sa oras ng kanilang duty.

Binalaan din niya ang mga pulis na mahuhuling natutulog sa oras ng duty na mahaharap sila sa mga kasong administratibo lalu na’t ibinaba na sa walong oras ang duty ng mga pulis.