Arroyo pinabulaanan coup rumors; suportado si Speaker Dy

67 Views

ArroyoMARIING pinabulaanan ni dating pangulo at ngayo’y kinatawan ng Pampanga na si Gloria Macapagal-Arroyo nitong Biyernes ang mga kumakalat na balita tungkol sa umano’y planong patalsikin si Speaker Faustino “Bojie” Dy III, at muling iginiit ang kanyang buong suporta sa pamumuno nito sa House of Representatives.

“Mahigpit kong itinatanggi ang mga paratang hinggil sa umano’y pagpapatalsik kay Speaker Bojie Dy na lumabas kahapon,” ayon kay Arroyo sa isang pahayag.

Binigyang-diin ni Arroyo na patuloy siyang sumusuporta kay Dy sa gitna ng mga usap-usapang may kawalang-katatagan sa pamunuan ng Kamara.

“Muling pinagtitibay ko ang aking tiwala sa kanyang pamumuno sa House of Representatives,” aniya.

Ipinunto rin ni Arroyo ang matagal nang ugnayan ng kanilang mga pamilya, na aniya’y lampas pa sa pulitika.

“Ang aming ugnayang suporta sa isa’t isa, na nagsimula pa noong panahon ng kanyang yumaong ama, ay nananatiling matatag,” dagdag pa niya.

Lumabas ang pahayag ni Arroyo kasabay ng umiikot na mga espekulasyon hinggil sa umano’y pagbabago sa liderato ng Kamara, na kasalukuyang pinamumunuan ni Dy, bagaman wala pang pormal na hakbang o reklamo ang nakukumpirma sa publiko.