Calendar

Artes: Kinasuhang opisyal ng MMDA mananatili sa pwesto
MANANATILING hepe ng Special Operations Group-Strike Force (SOG-SF) ng Metropolitan Manila Development Authority (MDA) si Gabriel Go sa kabila ng kakaharapin niyang kaso na isinampa ng isang opisyal ng pulisya na umano’y kanyang ipinahiya.
Ito ang tiniyak ni MMDA Chairman Atty. Don Artes matapos ang ginawang imbestigasyon sa nag-viral na video ni Go habang sinesermunan ang isang opisyal ng pulisya na umani ng pagbatikos sa mga netizen.
Inatasan ni Artes si Go na sumailalim sa 5 araw ng pagsasanay na nakatuon sa wastong pagsasaayos ng pamamahala sa trapiko, tamang pamumuno, kagandahang-loob, disiplina at espesyal na atensiyon sa stress at pagtitimpi ng galit.
Nilinaw ng MMDA chief na hindi parusa ang pagsasailalim sa muling pagsasanay ni Go kundi pagpapabuti pa sa sarili.
Isasailalim si Go sa limang araw na pagsasanay sa patnubay ni Edison “Bong” Nebrija ng MMDA Traffic Education Division.
Sa kaso namang administratibo laban kay Go, pinangaralan siya ng MMDA Legal and Legislative Affairs Staff dahil sa simpleng kawalang-galang at binalaan ng mas mabigat pang parusa ang makakamit sa oras na naulit ang kahalintulad na pangyayari.