Calendar
Article 4 dapat si VP Sara magpaliwanag–Barbers
IGINIGIIT ni House prosecution spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na si Vice President Sara Duterte ang dapat magpaliwanag tungkol sa Article 4 kasama na ang isyu sa hindi maipaliwanag na yaman niya.
Naniniwala din ang House prosecution team na si Bise Presidente mismo ang karapat-dapat magpaliwanag tungkol sa Article 4* ng Articles of Impeachment na may kaugnayan sa “grave threats” gayundin sa artikulo tungkol sa hindi maipaliwanag na yaman o unexplained wealth dahil siya ang nasa video at siya rin ang opisyal na makasasagot sa mga tanong hinggil sa kanyang mga deklarasyon ng net worth.
Ayon kay Barbers, makatutulong ang sariling paliwanag ni VP Duterte upang mailagay sa tamang konteksto ang kanyang mga naitalang pahayag sa harap ng Senate impeachment court.
Binuksan ang impeachment trial sa Senado noong Hulyo 6, kung saan nahaharap si Duterte sa mga paratang na kinabibilangan ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol at korapsyon, at mga banta laban kina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
“Yung unexplained wealth, I believe dapat siguro siya rin mismo yan because siya nakakaalam kung ano ba yung reason bakit tumataas yung iyong net worth sa kada taon na nagde-declare ka ng iyong Statement of Assets and Liabilities,” sabi pa Barbers.
Napagkasunduan ng prosecution panel na hilingin ang pagharap ni VP Duterte sa paglilitis, isang mungkahing inilahad din sa impeachment court ng private prosecutor na si Atty. Lorna Kapunan.
“Yan ang napag-agrehan ng prosecution panel kahapon at minanifest naman ito sa korte ni Private Counsel Atty. Lorna Kapunan,” ayon pa kay Barbers.
Ayon pa sa dating kongresista, inimbitahan na si VP Duterte na dumalo sa mga pagdinig mula pa lamang sa pagsisimula ng impeachment trial.
“Hindi na kami nagulat kasi merong invitation ang ating Pangalawang Pangulo na um-attend. In fact, dapat yung Day 1 pa eh,” paliwanag niya.
