Calendar
Atty. Bucoy binanggit pahayag ni Lacson na walang “mastermind” sa flood control scam
ISANG abogado para sa pampublikong interes at karapatang pantao ang nagbigay-pansin sa pahayag ni Senador Panfilo Lacson na walang maituturing na “mastermind” sa umano’y flood control scam.
Pinamunuan ni Lacson ang Senate Blue Ribbon Committee na nagsiyasat sa iba’t ibang maanomalyang proyekto sa flood control at nagsumite na ng bahagyang ulat (partial report) hinggil dito.
Ginamit ni Atty. Antonio Zoleta Bucoy ang natuklasan ng senador upang pabulaanan ang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na si Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang umano’y utak o mastermind ng flood control scam.
Si Romualdez ay inimbitahan sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado hinggil sa flood control projects sa ilalim ng pamumuno ni Senador Alan Peter Cayetano bago ang pag-upo ng bagong mayorya sa Senado noong Miyerkules.
Nang tanungin tungkol sa nakatakdang pagdinig sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Bucoy na isa lamang itong hakbang upang ilihis ang usapin.
“Ang reaksyon ko ho diyan, nililihis ho nila yung imbestigasyon. Nagkaroon na, kung inyong maalala, nagkaroon na ng partial report yung Blue Ribbon Committee na dating pinangumunahan ni Sen. Lacson,” aniya.
Ayon kay Bucoy, malinaw na sinabi ni Lacson na walang mastermind sa flood control scam.
“At sinabi doon ni Sen. Lacson, nabanggit ni Sen. Lacson sa ilang interview niya, sa ilang panayam niya sa media na walang mastermind na maituturing itong flood control,” dagdag niya.
Sinabi rin niya na sinikap ng Blue Ribbon subcommittee na pinamumunuan ni Senador Rodante Marcoleta sa ilalim ng Senado na pinangungunahan ni Cayetano na imbitahan si Romualdez sa pagdinig.
“Kung maaalala ninyo, iginigiit nila Marcoleta, imbitahin yan, si dating Speaker Romualdez, yan ang mastermind. Pero hindi nila sinasabi kung bakit naging mastermind yan,” diin niya.
“Dahil ba lamang sa dati niyang posisyon bilang Speaker of the House?” tanong ni Bucoy.
Sa isang naunang panayam sa radyo, binatikos din ng abogado si Ombudsman Remulla dahil umano sa maagang paghusga kay Romualdez sa kontrobersiya ng flood control projects nang wala pang isinagawang paunang imbestigasyon at wala ring naipapakitang ebidensya.
“Iisa ho ang nagpapalutang diyan eh, si Ombudsman Remulla na mula’t sapul ay binansagan na niya si Speaker Romualdez na mastermind,” aniya.
Ayon kay Bucoy, walang sapat na batayan ang alegasyon ng Ombudsman at wala pang isinasagawang preliminary investigation ang kanyang tanggapan.
“Ang tanong ho, ano ang kanyang batayan? Pangalawa, nagkaroon na ba ng preliminary investigation? Dahil wala hong lumalabas na mga balita na nagkaroon na ng preliminary investigation,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, ang pahayag ni Remulla ay dapat nakabatay sa masusing pagsusuri ng reklamo at ng sagot ng mga inaakusahan.
“Babansagan mo ang isang tao na mastermind kung iyo nang nabalangkas at nasuri mo na yung magkabilang panig, yung reklamo pati yung kasagutan,” diin ni Bucoy.

