Calendar

Atty. Princess Abante in-appoint na tagapagsalita ng Kamara
ITINALAGA ng Kamara de Representantes si Atty. Priscilla Marie “Princess” T. Abante bilang opisyal na tagapagsalita nito para sa nalalabing bahagi ng 19th Congress, isang hakbang upang mapaigting ang kampanya nito laban sa disimpormasyon at mapalakas ang kanilang pakikipag-ugnayan sa publiko.
Ang naturang appointment, na pormal na inilabas ni House Secretary General Reginald Velasco, ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na paigtingin ang transparency at tiyakin ang tama, napapanahon at tapat na komunikasyon hinggil sa mga prayoridad na panukalang batas, mga imbestigasyon, at direksyon ng mga patakarang pambansa.
Si Atty. Abante ay anak ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante, tagapangulo ng House committee on human rights at co-chair ng makapangyarihang quad committee na nagsagawa ng mga pagdinig ukol sa mga pangunahing isyu ng bansa, tulad ng extrajudicial killings, ilegal na droga at operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO).
Ang kanyang pagkakatalaga ay naglalagay ng isang bihasang tagapaghatid ng mensahe sa gitna ng masalimuot at politikal na kapaligiran ng media.
Bilang bagong boses ng Kamara, si Atty. Abante ang kakatawan sa institusyon sa mga opisyal na pakikipag-ugnayan nito sa media at publiko, magbibigay ng mga pormal na pahayag, magpapaliwanag ng layunin ng mga panukala, at mangunguna sa pagsisikap na gawing mas madaling maunawaan ng karaniwang mamamayan ang gawain ng Kongreso.
“The House cannot afford to be silent while lies travel faster than truth. We will speak with clarity, we will speak with purpose and we will speak without hesitation,” sabi ni Atty. Abante, na inilarawan ang kanyang bagong tungkulin bilang isang pribilehiyo at hamon.
“Tayo po ay mag-uulat sa bayan ng pawang mga katotohanan lamang. Walang halong fake news. Walang labis, walang kulang, dahil ito po ang ating mandato sa mamamayang Pilipino,” dagdag pa niya.
Ang pagkakatalaga kay Atty. Abante ay nagbibigay-diin sa katotohanang malinaw at bukas na pakikilahok sa panahon na kailangang muling pagtibayin ang tiwala ng publiko.
“We are entering a time when public trust is no longer given. It must be earned daily, through facts and through honesty. That is what this role demands and that is what I intend to uphold,” aniya.
Hindi limitado sa karaniwang press work ang magiging tungkulin ni Atty. Abante; layunin din niyang pamunuan ang mas malawak na pakikipagdayalogo ng Kamara sa publiko.
“We are here to inform, not to inflame. Pero kung kailangan pong punahin ang mga mali, kung kailangang itama ang kumakalat na fake news para i-discredit ang Kamara o mga miyembro nito, makakaasa po kayo na gagawin namin ito. The public deserves no less than the truth,” dagdag niya.
Sinabi ni Atty. Abante na ang kanyang mandato ay hindi lang basta pagpapalabas ng pahayag kundi ang pagtataguyod ng tunay na pag-unawa ng publiko.
“Our work does not end with passing laws. It continues with how we explain those laws to the people who are meant to benefit from them,” aniya.
Si Atty. Abante ay isang abogadong may karanasan sa legislative consultancy, pampublikong komunikasyon at civic education.
Nagsilbi siya bilang konsehal ng Lungsod ng Maynila sa loob ng tatlong termino, at ang huli niyang posisyon ay bilang hepe ng Manila Public Information Office at tagapagsalita at pinuno ng komunikasyon sa ilalim ng Tanggapan ng Alkalde ng lungsod.
Nagtapos siya ng AB Journalism at Bachelor of Laws mula sa Faculty of Civil Law ng University of Santo Tomas. Naging Commissioner-at-Large din siya ng National Youth Commission mula 2005 hanggang 2009, bago siya sumali sa Ponce Enrile Reyes & Manalastas Law Firm bilang litigation lawyer, na humawak ng mga high-profile na kasong kriminal at sibil.
Binigyang-diin ni Atty. Abante na ang papel ng tagapagsalita ay hindi lamang pagtatanggol sa institusyon mula sa batikos. Aniya, ito ay tungkol sa pag-uugnay ng pamahalaan sa buhay ng karaniwang mamamayan.
“It is about defending democracy from confusion, distortion and silence,” dagdag pa ni Atty. Abante.