Apo Vangelis

Ayaw namin kay Isko Moreno

285 Views

ALAM ng marami, lalong-lalo na ng mga pulitiko, na ang kabataan ang pinakamalaking bahagi ng mga botante sa darating na halalan sa Mayo 2022. Kaya naman hindi katakatakang pinalalabas ng mga kandidato sa pagkapangulo at pagkapangalawang pangulo na sila ang dapat ihalal ng kabataan.

Mapapansin sa lahat ng mga patalastas ng mga nasabing kandidato na mayroon silang kaukulang proyekto para sa mga kabataan. Kasama sa kanilang mga pangakong pulitiko ay ang magkaroon ng laptop o personal computer ang lahat ng kabataan upang maging tulong ito sa kanilang pag-aaral.

Madaling sabihin at ipangako iyan, ngunit wala naman silang tunay na hangaring tuparin and mga nasabing pangako.

Isa sa mga mahilig magpangako ay si Francisco Domagoso, alyas Isko Moreno, na kasalukuyang alkalde o mayor ng lungsod ng Maynila. Noong kalawakan ng pandemya sa COVID-19 sa Pilipinas, nangako si Moreno na bibigyan niya ng laptop ang lahat ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan upang hindi sila mahirapan sa mga “online classes” na pinasimuno ni Leonor Briones, ang walang kwentang Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, o Department of Education.

Ano ang nangyari? Bilang lang ang mga nabigyan ng laptop, at natuklasan pa na mahina o mababa ang uri o kaledad ng mga laptop na ipinamigay ni Moreno. Gaano karaming pera ng lungsod ang ginastos dito sa pangako ni Moreno? Ayon sa mga nakakaalam, milyong-milyong piso. Kawawang Maynila!

Ngayong unti-unti nang nalilipol ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglaganap ng COVID-19 sa buong bansa, malapit na bumalik and tinatawag na “face-to-face classes” o ang pagbalik ng mga kabataan sa mga silid-aralan nila, tulad ng dating gawi. Dahil sa pangyayaring ito, tila kinalimutan na ni Moreno and mga ipinangako niyang mga laptop.

Hindi lang malimutin si Moreno.

Dahil sa kanyang pagtakbo sa pagka-Pangulo sa darating na halalan, pinabayaan na rin ni Moreno ang mga mamamayang Manilenyo na nagluklok sa kanya sa kapangyarihan bilang alkalde ng kanilang lungsod. Kapansin-pansin na sa kadalasan ay nasa iba-ibang lalawigan si Moreno upang mangampanya.

Nanalo lang bilang alkalde, lumaki na ang kanyang ulo at nag-ambisyon na siyang maging Pangulo ng Pilipinas. Hindi pa mainit ang upuan niya bilang alkalde ng Maynila, ay eto na siya, nangangarap na ng karagdagang kapangyarihan. Ambisyoso talaga si Moreno!

Ano ba ang nalalaman ni Moreno sa pagpatakbo ng buong Pilipinas? Wala siyang karanasan. Mabuti pa si Pangulong Duterte, naging alkalde ng Davao nang matagalan bago siya tumakbo bilang pangulo nuong 2016. Hindi lang iyon. Di-hamak naman na higit na matalino si Pangulong Duterte kaysa kay Moreno.

Maging si Ginang Sara Duterte, ang anak ni Pangulong Duterte at kasalukuyang alkalde ng Davao, malawak na ang karanasan bilang pinuno ng malaking lungsod. Bukod diyan, nakatulong kay Sara ang mga payo sa kanya ng kanyang ama ukol sa pagpapatakbo ng Davao. Si Moreno, wala naman siyang naging gabay bilang kasalukuyang alkalde ng Maynila. Kahit si Pangulong Joseph “Erap” Estrada na siyang alkalde ng Maynila bago maupo si Moreno, ay inaway ni Moreno.

Kung sisiyasatin ng mabuti ang mga pangako ni Moreno sa kanyang kampanya sa pagka-Pangulo, walang laman ang kanyang palatuntunang pangpamahalaan. Kahit na sinong kandidato — kahit si Manny Pacquiao — kayang ipangako sa taong bayan yung mga ipinapangako ni Moreno.Samakatuwid, walang pagkakaiba si Moreno sa mga ibang pulitikong nais lamang iluklok ang sarali sa kapangyarihan.

Isang halimbawa ng walang-lamang pangako ni Moreno ay ang kanyang sinasabi sa mga patalastas niya sa TV ukol sa kanlurang karagatan ng Pilipinas, o yung tinatawag na West Philippine Sea. Nangako si Moreno na kapag siya ay nanalo sa halalan, hindi niya papayagan angkinin ng Tsina ang teritoryo ng Pilipinas sa nasabing karagatan. Magandang marinig, ngunit wala namang sinasabi si Moreno kung papaano niya tutuparin ang kanyang planong tumindig laban sa Tsina.

Yung magpalaganap lang ng laptop sa Maynila, di na kinaya ni Moreno. Papaano pa kaya ang matinding problema ng Pilipinas sa West Philippine Sea?

Isa pang halimbawa ng ‘panloloko’ ni Moreno ay ang kanyang pangangatuwirang dahil siya ang pinakabata sa mga kandidato sa pagkapangulo, siya ang tinig ng kabataan. Kasinungalingan iyan. Hindi nangangahulugang dahil si Moreno ang pinakabata sa mga kandidatong pagkapangulo ay siya na ang tinig ng kabataan.

Unang-una, matanda na si Moreno. May 47 taong gulang na siya. Dahil matagal na siyang pulitiko sa Maynila, sanay na siya sa mga lumang lakaran sa mga kapwa matatandang mga pulitiko. Anyo lang ng kabataan ang kanyang pinapakita sa madla. Napapanot na nga siya sa ulo, tapos nagpapanggap pa siyang tinig ng kabataan. Kapal!

Bintang ng marami na maraming “hidden wealth” si Moreno, at siya ay pinopondohan ng mga mayayamang mga negosyanteng Tsino na maraming negosyo sa Maynila. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa sinasagot ni Moreno ang mga nasabing bintang.

Kaya naman pumapangatlo lang si Moreno sa mga “surveys” sa mga kandidato. Kahit si Leni Robredo, nakakalamang kay Moreno.

Mabuti pa si dating Senador Bongbong Marcos, na kandidato rin sa pagka-Pangulo sa darating na halalan.Mapapansin sa mga patalastas ni Bongbong sa TV na hindi niya nais magyabang at mangako ng kung ano-ano na lang, sapagkat ang kanyang plano ay ang maglingkod ng tapat sa bayan at mamamayang Pilipino. Iyan ang isang mabuting halimbawa ng kandidatong hindi nanloloko ng mga botante.

Ako ay isa lang tinig ng kabataang Pilipino, ngunit marami akong mga kapwa kabataan na naniniwala na ayaw namin kay Isko Moreno (pati na rin kay Robredo at Pacquiao) dahil hindi siya maaasahan. Kung kami ay tatanungin, kay Bongbong pupunta ang aming mga boto.

Maraming salamat, po.