Apo Vangelis

Ayaw namin kay Leila de Lima

Apo Vangelis Mar 18, 2022
227 Views

Delima

 

KAMING mga kabataang Pilipino ay tutol sa kandidatura ni Leila de Lima sa darating na halalan ng mga senador sa Mayo 2022. Siya ay hindi dapat ibalik sa Senado sapagkat siya ay pulitikong hindi mapagkakatiwalaan. Isa siyang huwad na lingkod, at salot sa lipunan.

Si de Lima ay Kalihim ng Katarungan o Secretary of Justice nuong panahon ni Pangulong Noynoy Aquino, isa sa mga inutil na pangulo sa kasaysayan ng Pilipinas.

Bilang Secretary of Justice, pinangangasiwaan ni de Lima ang lahat ng bilangguan sa Pilipinas, kasama na ang National Penitentiary o New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa, Metro Manila.

Sa NBP nakakulong ang mga matataasang pasimuno ng mga droga o mga “drug lords” sa Pilipinas na hinatulan na ng mga hukuman.

Kinukulong sa NBP ang mga kriminal tulad ng mga drug lords upang sila ay magdusa at pagbayaran nila ang kanilang matinding pagkakasala sa batas, bayan at lipunan. Bagamat hindi naman dapat malupit ang trato sa mga bilanggo sa NBP dahil may karapatan din sila bilang tao, mahigpit na pinagbabawal silang mamuhay ng malaya, maligaya at matiwasay habang sila ay nasa loob ng bilangguan.

Dapat lang iyon, sapagkat ang layunin ng bilangguan ay akitin ang mga bilanggo na magbagong-buhay na, sa pamamagitan ng kanilang pagranas ng mahigpit na mga alituntunin habang sila ay nakakulong. Inaasahan ng batas na kapag ang tao ay nakaranas ng mahigpit na buhay sa loob ng preso, matututo na siyang huwag ng lumabag muli sa batas, kapag siya ay makalaya na.

Ano ang katiwaliang di-umano ay nangyari sa NBP noong si de Lima pa ang punong tagapangasiwa pa ng NBP?

Ayon sa mga pagsisiyasat o imbestigasyong ipinasagawa ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nang siya ay naupo bilang pangulo nuong 2016, lumalabas na pinapayagan pala ni de Lima na mabuhay ng matiwasay ang mga drug lord na nakakulong sa NBP, kapalit ng milyong-milyong pisong “lagay” bawat buwan.

Ayon sa mga imbestigasyon na ginawa ng National Bureau of Investigation (NBI), pinayagan daw ni de Lima ang mga drug lord sa NBP na matira sa loob ng mga seldang may mga air-con, cable TV, refrigerator, audio equipment, karaoke, cell phone, laptop na may internet, baril at salapi.

Natuklasan din na ang mga nasabing cellphone at laptop ay ginagamit ng mga drug lords sa kanilang ilegal na kalakarang pangdroga kahit nasa loob sila ng NBP. Ang salapi naman ay pang “lagay” sa mga guwardiya upang tumingin sila sa “ibang direksiyon” habang nangyayari ang mga ilegal na gawain.

Hindi lang iyon.

Ang mga drug lord at kanilang mga kampon na kapwa ring nakakulong ay kumakain ng masasarap na pagkain araw-araw. Ang nasabing pagkain ay ipinabibili nila mula sa mga mamahaling restoran sa labas ng NBP. Mayroon ding mga “waiter” na nagsisilbi ng pagkain sa mga drug lord kapag oras na ng kainan sa loob ng bilangguan.

Sagana rin sila sa mga pinagbabawal na gamot, alak, sigarilyo at mga babaeng nagbibigay ng bayarang aliwang makamundo.

Mayroon din mga panahon na lihim na nakakalabas sa NBP ang ilang mga drug lord upang umuwi sa kanilang mga tahanan, at bumabalik matapos ng higit kumulang na isang araw bawat lakad.

Grabe! Parang hindi sila mga bilanggo! Kung tutuusin, higit na matiwasay ang buhay ng mga drug lord na nakakulong sa NBP, kung ihahambing ito sa mga buhay ng mga hamak na Pilipinong hindi nakakulong sa bilangguan.

Palihim na pinapayagan ng mga opisyal ng NBP ang kakaibang pamumuhay o “special treatment” ng mga drug lord sa loob ng NBP. Ang mga nasabing opisyal ay mayroong bahagi sa salaping binabayad ng mga drug lord kay de Lima bawat buwan.

Ayon din sa mga nasabing imbestigasyon, ang drayber ni de Lima na si Ronnie Dayan ang pinapapunta ni de Lima sa NBP upang kunin para sa kanyang among si de Lima ang regular na binabayad o “lagay” ng mga drug lord kay de Lima.

Natuklasan din sa mga nasabing imbestigasyon na naging kasintahan o boyfriend ni de Lima si Dayan. Inamin naman ni de Lima na naging boyfriend nga niya si Dayan.

Makikita sa internet ang larawan ng isang mala-palasyong bahay sa Urbiztondo, Pangasinan na ayon sa ulat ay iniregalo ni de Lima sa kanyang boyfriend na si Dayan.
Lumalabas din sa imbestigasyon na ginamit ni de Lima ang milyong-milyong pisong tinanggap niya sa mga nakakulong na mga drug lord sa kanyang kampanya sa pagka-senador sa ilalim ng Liberal Party ni Noynoy Aquino nuong Mayo 2016.

Nanalo naman sa nasabing halalan si de Lima, ngunit siya ang kahuli-huling kandidato na nakapasok sa walong nagtagumpay sa balota.

Dahil sa mga nailantad sa mga nasabing imbestigasyon, nagsampa ng kaukulang mga reklamo at kaso laban kay de Lima ang pamahalaan, sa pamamagitan ng Kagawaran ng Katarungan o Department of Justice.

Matapos sampahan ng mga kasong kriminal si de Lima, siya ay inilagay sa pihitan.

Sapagkat mabigat ang bintang kay de Lima, pinagpasiyahan ng hukuman na hindi maari magpiyansa o “bail” si de Lima habang linilitis sa hukuman ang kanyang mga kaso.

Pinapalabas ni de Lima na inaapi siya ng pamahalaan ni Pangulong Duterte dahil ayaw ng hukuman na payagan siyang magpiyansa. Hindi totoo ang kanyang bintang laban kay Duterte sapagkat ang Korte Suprema na ang naghatol na nasasaayon sa batas na hindi maaring payagan si de Lima na magpiyansa dahil sa mabigat na mga reklamong inihain laban sa kanya ng pamahalaan.

Kasalukuyang nakakulong si de Lima sa isang hiwalay na selda sa loob ng Camp Crame sa Quezon City, habang patuloy ang paglilitis ng kanyang mga kaso sa hukuman. Datapwat siya ay isang senadora, pinahihintulutan naman siyang magpadala ng kanyang mga panukalang batas sa senado.

Ang nakakainis kay de Lima ay palagi niyang pinapalabas sa mga mang-uulat sa pahayagan at TV na hindi-makatarungan na siya ay kasalukuyang nakakulong sa Camp Crame. Ipinapalabas din ni de Lima at ng kanyang mga kakampi sa Liberal Party na nakakulong siya sa Camp Crame dahil siya ay isang tinig laban kay Pangulong Duterte.

Pawang kasinungalingan ang bintang ni de Lima kay Pangulong Duterte.

Tulad ng sinabi kanina, nagpasiya na ang Korte Suprema na nasasaayon sa batas ang pagkulong kay de Lima sa Camp Crame, dahil sa mabigat ang mga kaso na isinampa laban sa kanya. Itinatago at inililihim lang ito ni de Lima sa taong-bayan upang palabasin niya na kaawa-awa siyang inaapi ni Pangulong Duterte. Ang layunin ni de Lima ay halatang-halata — maawa sa kanya ang mga botante at ihalal siya sa darating na halalan.

Samakatuwid, ang ginagawa ni de Lima ay panglilinlang at panloloko sa mga mamayang Pilipino!

Anong uri ng pulitiko itong si de Lima na kusang nagsisinungaling sa taong-bayan upang magkamit lang siya ng mga boto? Nakakahiya at nakakasuklam talaga itong si de Lima! Hindi siya dapat pagkatiwalaan ng mga mamamayang Pilipino!

Nuong nahalal si de Lima sa Senado sa taong 2016, hindi pa alam ng taong-bayan ang tungkol sa mga ibinibintang sa kanya na mga katiwalian sa NBP. Ngayong nalahad na ang mga dapat malaman ng mga Pilipino tungkol kay de Lima, hindi na dapat nila iboto muli si de Lima sa halalan ngayong Mayo 2022.

Maliwanag ang tinig ng kabataan. Ayaw namin kay Leila de Lima na mahalal muli bilang senador.

Maraming salamat po.