Apo Vangelis

Ayaw namin kay Trillanes

Apo Vangelis Apr 11, 2022
366 Views

MAYROONG hindi dapat ihalal ng taong-bayan sa Senado sa halalan sa Mayo 2022, at dapat magsama-sama ang mga mamamayang Pilipino upang hindi ito mahalal. Siya si Antonio Trillanes IV.

Dapat din sabihin na tungkulin ng mga mamamayang Pilipinong may pagmamalasakit sa bayan at sa kabataan na huwag ihalal si Trillanes. Siya ay hindi ikabubuti ng bansang Pilipinas sakaling siya ay bumalik muli sa kapangyarihan.

Sino nga ba si Trillanes?

Si Trillanes ay isang dating kawal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas o Armed Forces of the Philippines (AFP). Nagtapos si Trillanes sa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City nuong taong 1995. Ayon kay Secretary Jacinto Paras, tagapayo ni Pangulong Rodrigo Duterte, gumamit daw ng koneksyon si Trillanes upang hindi maging mahirap ang buhay niya bilang kadete ng PMA.

Kapitan ang pinakamataas na ranggong inabot ni Trillanes.

Tulad ni Trillanes, lahat ng kawal ng AFP ay nanumpang susunod at ipagtatanggol ang saligang batas ng Pilipinas, o ang tinatawag na 1987 Constitution. Nanumpa rin silang ipagtatanggol nila ang pamahalaan ng Republika ng Pilipinas na itinatag ng taong-bayan sa ilalim ng saligang batas.

Dahil sa panatang iyon, si Trillanes ay hindi dapat lumabag sa saligang batas, at hindi siya dapat gumawa ng kahit anong maaring magpabagsak sa pamahalaan ng Republika ng Pilipinas.

Kabaligtaran ang ginawa ni Trillanes. Lumabag siya sa kanyang panata. Sinuway niya ang saligang batas.

Nuong 2003, si Trillanes ang nagpasimuno sa pag-aalasa o pagrerebelde (mutiny) ng 321 sundalo ng AFP laban sa pamahalaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Nag-ipon-ipon sila sa gusaling Oakwood Center sa lungsod ng Makati sa Metro Manila, at duon nila linahad ang kanilang layuning ibagsak si Pangulong Arroyo upang mamuno ang militar sa buong bansa. Tinawag silang mga “Magdalo” ng mga pahayagan.

Ang nasabing pagrerebelde nila Trillanes atbp. ay paglabag sa kanilang panatang ipagtatanggol nila ang saligang batas ng Pilipinas, at sa pamahalaan.

Labag din sa batas — ang Kodigo Penal o Revised Penal Code — ang pagrerebelde laban sa pamahalaan. Ayong sa nasabing batas, may kaukulang parusang matagalang pagkakakulong ang pagrerebelde.

Sa ilalim rin ng Articles of War o ang batas na umiiral sa mga kawal ng AFP, may parusang pagkakulong ang pagrerebelde.

Hindi nagtagumpay ang pagrerebelde ng grupo ni Trillanes. Matapos ang 18 oras, sumuko sila sa mga alagad ng batas. Kaagad silang kinulong sa piitan sa loob ng Kuta Bonifacio (Fort Bonifacio) at sinampahan sila ng kaukulang kasong kriminal sa hukuman ng militar, at sa Regional Trial Court sa Makati.

Nanatili si Trillanes sa piitan ng militar habang dinidinig ang kanyang kaso sa nasabing mga hukuman.

Nuong maagang bahagi ng taong 2007, maraming mamamayang Pilipino ang galit na kay Pangulong Arroyo dahil sa mga anomalyang natuklasan sa kanyang pagtakbo bilang pangulo sa halalang ginanap nuong Mayo 2004. Ito yung halalan na kung saan tinalo ni Arroyo sa bilangan si Fernando Poe, Jr., isang batikang aktor na maraming mga tagahanga.

Dahil kalaban din ni Trillanes si Arroyo, at kahit siya ay nakakulong, tumakbo si Trillanes sa Senado sa halalan ng Mayo 2007. Sapagkat nakita siya ng mga botante na sundalong kalaban ni Arroyo, nanalo si Trillanes sa halalan.

Nanalo man si Trillanes, hindi siya pinayagan ng mga hukuman na pumasok sa Senado. Nanatili siyang nakakulong.

Nuong Nobyembre 2007, tumakas sa kanilang paglilitis sina Trillanes at ang kanyang mga kasama, at tumuloy sila sa Manila Peninsula Hotel sa lungsod ng Makati. Duon, inihayag nila muli ang kanilang pagrerebelde laban sa pamahalaan ni Pangulong Arroyo.

Di rin nagtagal ang pagrerebelde ni Trillanes. Matapos ang anim na oras, at pagkatapos nilang abusuhin ang mga pasilidad ng Manila Peninsula Hotel, inaresto sila at tinapon sa piitan sa loob ng Camp Bagong Diwa sa kalapit na lungsod ng Taguig, sa Metro Manila.

Maliwanag na dalawang beses tinangka ni Trillanes na magrebelde sa pamahalaan ng Republika ng Pilipinas. Dalawang beses din niya tinakwil ang kanyang panatang ipagtatanggol niya ang saligang batas ng Pilipinas at ang pamahalaang itinatag ng taong-bayan sa ilalim ng nasabing saligang batas.

Hindi niya tinupad ang kanyang panata bilang isang kawal ng AFP.

Kilalang kalaban ni Arroyo si Noynoy Aquino.

Matapos mahalal si Aquino bilang pangulo sa halalan ng Mayo 2010, naawa siya kay Trillanes. Buwan ng Disyembre 2010, pinalaya ni Aquino si Trillanes. Taong 2011, binigyan daw ni Aquino ng amnesty si Trillanes.

Taong 2013, nanalo muli bilang senador si Trillanes.

Naging abusado sa Senado si Trillanes.

Binabastos ni Trillanes ang mga saksing pinapatawag sa mga “hearings” ng Senado, kapag hindi siya maligaya sa sinasabi ng mga saksi. Nakikipag-away din ng bastusan si Trillanes sa kanyang mga kapwa senador. Nakakahiya talaga!

Kaliwa’t-kanan siyang nagtatawag ng mga press conference na binabayaran ng buwis ng taong-bayan. Nagkaroon siya ng humigit-kumulang na 50 “consultant” na higit pa sa bilang na pinapayagan ng batas para sa bawat senador. May mga kamag-anak din siyang binigyan ng magagandang trabaho sa kanyang tanggapan.

Ayon kay dating Senador Juan Ponce Enrile, si Senador Trillanes ay gumawa ng ilang patagong pagmamaniobra sa ugnayan ng Pilipinas at bansang Tsina ukol sa West Philippine Sea. Dahil sa mga patagong gawain ni Trillanes, nasakop ng Tsina ang mga munting isla ng Pilipinas sa nasabing dagat. Sa kasalukuyan, ayaw na umalis ng Tsina sa dagat na pag-aari ng Pilipinas.

Bilang tuta ni Noynoy Aquino na kalabang matindi ni Pangulong Rodrigo Duterte, tinakda ni Trillanes ang kanyang sarili bilang kalaban ni Duterte.

Nuong tumatakbo pa si Duterte sa pagkapangulo sa taong 2016, naghain ng kung anu-anong bintang si Trillanes laban kay Duterte. Lumabas na walang basehan pala ang kanyang mga binibintang kay Pangulong Digong.

Dahil sa kanyang dalawang pagkapanalo sa Senado, lumaki ang ulo ni Trillanes at tumakbo siyang bise presidente sa halalan ng Mayo 2013. Wala siyang katakbong pangulo, at wala rin siyang mga kasamang kandidato sa senado. Mag-isa lang siya sa kanyang pulitika.

Talo si Trillanes. Pinulot siya sa kangkungan.

Sa loob ng kanyang nalalabing tatlong taon sa Senado (2016-2019), tinuloy ni Trillanes ang kanyang paninira kay Pangulong Duterte. Nang nademanda si Trillanes at huhulihin na siya ng mga pulis, nagtago si Trillanes sa Senado. Para siyang basang sisiw at takot na takot. Mapalad siya na kinupkop siya ni Senador Tito Sotto hanggang nakapagpiyansya si Trillanes at makalaya muli, kahit pansamantala lamang.

Sa loob ng nasabing tatlong taon, walang tigil si Trillanes sa paggastos ng buwis ng mamamayang Pilipino sa kanyang pamumulitika.

Nang mawala na sa kapangyarihan si Trillanes ng Hunyo 2019, wala na ring narinig mula sa kanya. Ayon sa mga pahayagan, ayaw ni Trillanes magpa-press conference kapag siya na ang magbabayad ng gastusin, at hindi na ang taong-bayan.

Ayun! Kapag ang buwis ng taong-bayan ang pambayad, handang-handa gumastos para sa mga press conference si Trillanes. Kapag sarili na niyang salapi ang gagamitin, ayaw na ni Trillanes magpa-press conference. Hindi ba ito ay pananamantala sa kaban ng bayan?

Dalawang beses itinakwil ni Trillanes ang kanyang panata na ipagtatanggol niya ang saligang batas ng Pilipinas. Para kay Trillanes, walang halaga ang isang panata. Siya ay walang isang salita.

Ngayong taong 2022, tumatakbo muli si Trillanes sa Senado. Tungkulin ng mga mamamayang Pilipino na huwag iboto si Trillanes.

Itinakwil ng taong-bayan si Trillanes nuong halalan ng 2016. Sa dahilan na tinakwil ni Trillanes ang saligang batas ng dalawang beses, dapat muling itakwil ng mga botante si Trillanes sa halalan sa Mayo 2022.

Kaming kabataan, ayaw namin kay Trillanes.

Maraming salamat po.