BBM

BBM NO.1 sa OFWs, Asya, Gulf Region

514 Views

Ayon sa Kalye Surveys:

HIGIT pang nadagdagan ang tsansa ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na tuluyang magwagi sa darating na eleksyon ngayong Mayo 2022 matapos bumuhos din ang suporta ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa iba’t ibang panig ng mundo para sa kanya.

Ito ang lumabas sa resulta ng Kalye Survey para sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibayong dagat matapos makuha ni Marcos ang 92.13 porsyento at magtala ng napakalayong agwat sa pumapangalawang si Leni Robredo na may 2.57 porsyento lamang.

Nakadikit kay Leni si Isko Moreno na may 2.54 porsyento; habang si Manny Pacquiao ay may .62 porsyento at si Ping Lacson ay may.15 porsyento. Ang undecided ay 1.98 porsyento.

Ang mga datos na ito ay mula mismo sa Pulso ng Pilipino ‘worldwide summary’ na inilathala sa social media ng SPLAT Communications nitong nakalipas na Pebrero 17.

Sa 92.13 percent na puntos ni Marcos, ang nakuha nitong boto ay 2,974 mula sa kabuuang 3,228 respondents.

Nilikom ang tala mula sa walong bansa mula sa Asya at Gitnang Silangan.

Ang kanilang post sa social media na ipinalabas din sa pamamagitan ng isang video ay may titulo pang: “JUST IN! KALYE SURVEY ASIA! UMULAN NG ITLOG! IYAKAN NA! MATINDING DELUBYO SA KALABAN NI BBM. ANYARE?”

Kinuha ang survey noong Oktubre 2021 hanggang Enero 31, 2022.

Habang 2,974 na boto ang nakuha ni Marcos, si Leni ay may nakuhang pangkalahatang 83 boto; si Isko ay may 82; si Pacquiao ay may 20 boto at si Lacson ay mayroon namang limang boto.

Isinagawa ang survey sa mga OFWs na nakabase sa Hong Kong, Taiwan, Japan, Macau, Kuwait, Bahrain, Abu Dhabi, at Saudi Arabia.

Sa bansang Macau nakakuha ng pinakamalaking boto si Marcos dahil mula sa 63 respondents, ang nakamit nito ay 62 boto o 98.41 porsyento. Ang natitirang isang boto ay nakuha ni Pacquiao, habang sina Leni, Isko at Lacson ay zero rito.

Pangalawa naman sa pinakamalaking boto na nakuha ni Marcos ay sa Hongkong kung saan ay mayroon itong 96.14 porsyento o 1,942 na boto mula sa 2,020 respondents.

Si Leni ay may 45 o 2.23 porsyento; Moreno, 18 o .49 percent; Pacquiao, lima o .25 percent; at Lacson, 0 or 0%. Ang undecided ay .5 percent.

“BBM has a miraculous percentage of 96.14 percent. This is the second highest percentage so far from all the summaries we have gathered. Totally impressive, indeed! At second place, VP Robredo has a minuscule 2.23 percent. Manila Mayor Isko Moreno is third with an appalling .49 percent,” sabi ng SPLAT.

Sa Taiwan, si Marcos ay may 45 o 93.75 porsyento mula sa 48 respondents. Malayo ring pumangalawa sa kanya si Isko na may dalawang boto o 4.17 porsyento; samantalang sina Leni, Lacson at Pacquiao ay zero.

Samantala, mula naman sa 209 respondents sa bansang Japan, si Marcos ay nakakuha ng 179 o 85.65 porsyento. Si Isko ay may anim na boto lang o 2.87 porsyento; si Leni ay may 11 o 5.26 porsyento; si Pacquiao ay may tatlong boto o 1.44 porsyento; zero si Lacson at 4.78 porsyento naman ang undecided.

May 75 respondents na Pinoy naman ang nakiisa sa Kalye Survey sa Kuwait na nasa kontinente ng Middle East. Sa bilang na ito, si Marcos ay may 58 votes o 77.33 porsyento; sina Leni at Isko ay tabla sa ikalawang puwesto na parehong may apat na boto o 5.33 porsyento. Si Pacquiao ay may isa o 1.33 porsyento, habang si Lacson ay may dalawang boto o 2.67 porsyento. Walong porsiyento naman ang sinasabing undecided.

Sa Bahrain, 58 o 87.88 porsyento ng 66 respondents ang nakuha ni Marcos. Tig-dalawang boto o pawang may 3.03 porsyento naman ang nakuha nina Leni, Isko at Pacquiao; samantalang si Lacson ay walang nakuhang boto. Ang undecided ay 9.09 porsyento.

May 442 boto o 82.16 porsyento mula sa 538 respondents sa Abu Dhabi si Marcos. Malayo naman na nakasunod sa kanya si Isko na may 44 boto o 8.16 porsyento, habang ang pangatlong si Leni ay may 14 boto o 2.60 porsyento. Si Pacquiao ay may limang boto o .93 porsyento; .37 porsyento naman si Lacson mula sa dalawang boto na nakuha nito. Ang undecided ay 5.76 porsyento.

Sa bansang Saudi Arabia kung saan may 272 respondents, si Marcos ay nakakuha ng 250 na boto o 91.91 porsyento; si Isko ay may walong boto o 2.94 porsyento; si Leni ay nakapito o 2.57 porsyento; si Pacquiao ay may lima o 1.84 porsyento; at si Lacson ay may isang boto o .37 porsyento. Ang undecided naman ay .37 porsyento.

“BBM has a commanding percentage. Whether the respondent is high or low in any Asian country, the results are still the same. The sheer domination of BBM is unquestionable,” pagbibigay-diin pa ng SPLAT.

Ang Pulso ng Pilipino ay ’compilation at summation’ ng lahat ng resulta ng Kalye Surveys na nilikom ang kabuuang resulta ng ‘information and statistical data provider’ na Splat Communications. Katuwang nila rito ang respetadong consulting firm na Simplified Strategic Solutions (SSS).