Calendar
Ayuda para sa mga mahihirap sa gitna ng inflation iminungkahi
NANANAWAGAN ngayon ang isang Northern Luzon congressman para sa agarang pagpapalabas ng ayuda o “cash aid” para sa mga mahihirap na mamamayan partikular na ang tinatawag na “poorest of the poor” sa gitna ng tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin bunsod ng umiiral na inflation sa bansa.
Sinabi ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Congressman Faustino ‘Inno” A. Dy V na hindi malayong madagdagan ang bilang ng mga mahihirap na Pilipino na posibleng umabot sa 2.58 million kung magpapatuloy ang inflation na lalong magpapadagdag sa kalbaryo ng mamamayan.
Sinabi ni Dy na maaaring magamit ang tinatayang P11.9 bilyon additional collection mula sa Value Added Tax (VAT) para tulungan ang mga mahihirap na Pilipino na makabangon mula sa nararamdaman nilang mataas na inflation bunsod ng mataas na presyo ng mga bilihin.
Sa ginanap na briefing sa Kamara de Representantes sa pamamagitan ng House Committee on Appropriations. Kinumpirma ni Department of Finance (DOF) Sec. Benjamin Diokno ang naunang pahayag nito na magkakaroon ng panibagong bugso ng ayuda para ibsan ang epekto ng inflation.
Sa naturang briefing, sinabi ni Diokno na magbibigay ng ₱1K ayuda ang pamahalaan sa may 9.3 million ‘poorest of the poor’. Kung saan, hahatiin sa dalawang tranche ang ayuda o katumbas ng P500 sa dalawang buwan.
Dahil dito, ipinaliwanag ni Dy na may natukoy na rin aniyang pagkukunan ng pondo kaya’t hindi na kailangan ng supplemental budget para dito sapagkat ang naturang programa ay pagpapatuloy lamang ng Targeted Cash Transfer (TCT) Program ng nakaraang administrasyon.