Ayuda Source: Philippine Embassy in Israel

Ayuda sa 682 OFWs sa Israel naibigay ng DMW, OWWA

Jun I Legaspi Jul 14, 2025
45 Views

NASA 682 overseas Filipino workers (OFWs) sa Israel ang nakatanggap ng pinansiyal na tulong mula sa Department of Migrant Workers-Rapid Response Team (RRT) simula noong Hulyo 7.

Sa kanyang ulat kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, sinabi ni RRT Team Leader at DMW-NCR Director Falconi Millar na dumating ang kanilang delegasyon sa Israel noong Hulyo 7 bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbigay ng tulong sa mga OFWs doon.

Ang RRT ay nakikipagtulungan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pagbisita at pamimigay ng tulong pinansyal at relief goods sa mga OFW sa ospital, nasirang tirahan at mga nawalan ng trabaho.

Sa 682 OFWs na nabigyan ng tulong, 104 sa kanila ang manggagawa sa Tiberias. Sila ang pinakahuling nabigyan ng tulong noong Hulyo 13.

Bago pa man dumating ang RRT, 188 OFWs na ang nakatanggap ng tulong pinansyal. Sa kabuuan, 870 OFWs ang natulungan mula ng magsimula ang kaguluhan sa pagitan ng Iran at Israel.

Ang tulong mula sa RRT ay katumbas ng 78.4% ng lahat ng naipamigay na pinansyal na tulong ng pamahalaan.