Fake

Babae nabiktima ng fake departure stamp scheme, naharang ng BI sa NAIA

Jun I Legaspi Oct 16, 2024
93 Views

HINARANG ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng biktima ng fake departure stamp scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong Oktubre 11.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang 32-taong gulang na babaeng biktima, na hindi pinangalanan alinsunod sa mga batas laban sa human trafficking, ay dapat sana’y sasakay sa isang flight ng Cebu Pacific Airlines papuntang Vietnam ngunit hindi nakalusot sa inisyal na inspeksyon ng BI.

“The victim arrived at the counter with her passport, which had a counterfeit departure stamp impressed on it, attempting to convince the officer that she had completed the immigration departure procedures. She initially claimed to be a solo tourist in Vietnam for leisure,” saad ni Viado.

Pinadiretso ng mga opisyal ng imigrasyon ang biktima sa karagdagang inspeksyon matapos mapansin ang kahina-hinalang tatak ng pag-alis sa kanyang pasaporte.

Sa panayam, isiniwalat ng biktima ang kanyang plano sa paglalakbay, na kinabibilangan ng pagpunta sa Thailand matapos ang kanyang pananatili sa Vietnam.

Balak niyang mag-apply ng entry visa sa Egypt, naakit ng pangakong madaling proseso ng pag-apruba.

Inihayag ng biktima na humingi ang mga recruiter ng P80,000 kapalit ng pekeng tatak upang mapadali ang kanyang pag-alis, ngunit natawaran niya ito sa P65,000.

Isang pagsusuri mula sa dokumento laboratoryo ng BI ang nagkumpirma na pekeng ang ipinakitang tatak.

Mahalagang tandaan na sa mga nakaraang kaso, naniningil ang mga sindikato ng malaking bayad sa proseso kapalit ng huwad na mga pangakong makakalusot sila sa imigrasyon nang walang aberya.

Ipinasa ang biktima sa pangangalaga ng Inter-Agency Against Trafficking (IACAT) upang tulungan sa pagsampa ng mga kaso laban sa kanyang mga recruiter.