Calendar

Babaeng sabit sa carnapping laglag sa parak
NAKALAWIT ng mga pulis ang babaeng sangkot umano sa carnapping sa Pasig City noong Lunes sa Caloocan City.
Ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan, nahuli ang suspek na si alyas Juliet ng mga miyembro ng District Anti-Carnapping Unit (DACU).
Dakong alas-2:50 ng hapon nang salakayin ng mga tauhan ng DACU ang tinutuluyang bahay ng babae sa hindi tinukoy na lugar sa lungsod na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.
Nahuli siya sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Pasig City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Annielyn B Medes-Cabelis ng Branch 167 para sa kasong paglabag sa New Anti Carnapping Act.
May inilaang piyansang P300,000 para sa pansamantalang paglaya ng suspek.
Nakapiit sa custodial facility ng DACU sa Langaray St. Kaunlaran Village, Brgy. 14 ang akusado.