Fake

Babala sa Publiko: Pekeng singil sa taxi sa NAIA, Umiikot

16 Views

NAGBABALA ang mga awtoridad sa publiko nitong Huwebes laban sa pekeng rate cards o listahan ng pamasahe na ginagamit umano ng ilang taxi driver mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungong iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

Ang naturang rate cards ay nagpapakita ng labis na taas ng singil at gumagamit ng luma nang logo ng Manila International Airport Authority (MIAA).

“Peke ang rate card na ‘yan. Tinatago ito ng mga colorum na driver at palihim na ipinapakita sa mga pasahero para ipakitang mas ‘mababa’ ang singil, pero ilegal ‘yan,” ayon kay MIAA General Manager Eric Ines sa panayam ng Philippine News Agency (PNA).

Dagdag pa niya, luma na ang logo ng MIAA na nakalagay sa naturang rate card.

Samantala, sa isang advisory na inilathala sa social media, mariing kinondena ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapakalat ng pekeng rate cards, at sinabing ito ay taliwas sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing makatarungan ang singil sa pamasahe.

“Hindi namin ito palalampasin. Huhulihin ng gobyerno ang nagkakalat ng pekeng taxi rates pati mga taxi operators at drivers na sobrang maningil ng pamasahe. Kung may kasabwat dito na mga kawani ng DOTr at ibang ahensya ng gobyerno, pasensyahan na lang dahil mananagot din sila,” pahayag ni Transportation Secretary Vince Dizon.

Iginiit ng DOTr na ang mga taxi rate na kumakalat online ay peke at ginagamit upang manloko ng mga pasahero sa NAIA.

Patuloy ang imbestigasyon at panawagan ng pamahalaan sa publiko na maging mapanuri at i-report ang mga ganitong uri ng panlilinlang. Philippine News Agency