Pulis Source: File photo

Bagitong parak nagpaputok sa harap ng restobar, selda ang bagsak

309 Views

Isang bagitong pulis ang dinampot ng kaniyang mga kabaro makaraang ireklamo ng pagpapaputok ng kanyang baril sa harap ng isang resto bar sa Quezon City.

Nasa kustodiya ng Quezon City Police District-Cubao Police Station 7 at nahaharap sa reklamong paglabag sa Art. 254 of RPC (Illegal Discharge of Firearm) ang 25 anyos na pulis na nakatalaga sa Camp Rafael T. Crame.

Ayon sa report nangyari ang insidente bandang alas 3:44 ng madaling araw nitong Sabado sa harap ng isang Restobar sa Imperial St. Cor. Aurora Blvd. Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon Cit.

Bago umano ang insidente ay pumasok sa nabanggit na restobar ang pulis kasama ang dalawang iba pa. Iniwan naman ng pulis ang kanyang baril sa duty bouncer sa labas ng restobar.

Makalipas ang limang oras, lumabas ang pulis at kinuha sa duty bouncer ang kanyang service firearm at dalawang beses nagpaputok ng baril sa lupa.

Agad na humingi ng responde ang establisimyento at bitbit ang pulis nina Pat Mohammad Naif Adil at Pat Jess Piglay.

Nakuha sa suspek na pulis ang isang Taurus TS9 cal. 9mm na ay serial number TMR04365, tatlong magazine, 33 piraso ng 9mm live ammunitions at basyo ng bala ng baril.