Pamasko

Bagong batas pinalawig Rice Competitiveness \ Fund para palakasin mga magsasaka, coops

64 Views

PINATIBAY ng pamahalaan ang suporta nito sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagpirma sa Republic Act 12078, na nagpapalawig sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) hanggang 2031 at nagdaragdag sa taunang pondo nito mula PHP 10 bilyon patungong P30 bilyon.

Pinuri ni Senadora Cynthia Villar, na nag-sponsor at may-akda ng batas, ang pagpapatupad nito bilang isang malaking tagumpay para sa mga magsasaka at iba pang mga stakeholder. “This is an early Christmas gift for our farmers and cooperative associations. It expands the benefits available to them under the RCEF, ensuring long-term stability for the rice sector,” ani Villar, na siyang tagapangulo ng Senate Committee on Agriculture and Food.

Ang RCEF, na mula sa mga taripa na nakokolekta mula sa inaangkat na bigas, ay unang nilikha sa ilalim ng Rice Tariffication Law (RTL) noong 2019. Layunin nitong mapalakas ang produktibidad at kompetitibidad ng mga Pilipinong magsasaka ng palay sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga kagamitan tulad ng makinarya sa sakahan, dekalidad na binhi, pautang, at pagsasanay. Ayon kay Villar, “a leap towards ensuring the long-term stability of the rice sector as we continue to support our farmers with the much-needed tools to make their yields more productive.”

Binibigyan din solusyon ng nasabing batas ang mga agarang isyu sa sektor ng agrikultura. Binibigyang-kapangyarihan nito ang Kalihim ng Department of Agriculture (DA) upang tugunan ang kakulangan ng suplay ng bigas at hindi pangkaraniwang pagtaas ng presyo. Kasama dito ang awtoridad na magtalaga ng mga entidad, maliban sa National Food Authority, upang mag-angkat ng bigas para mapunan ang suplay at patatagin ang presyo. Bukod dito, maaaring magbenta ang DA ng lokal na ani ng bigas sa pamamagitan ng mga ahensiyang pampamahalaan tulad ng mga ospital at KADIWA outlets sa panahon ng emergency at magdagdag ng suplay sa pamamagitan ng direktang pagbili mula sa mga magsasaka at kooperatiba.

Iniuutos din ng batas ang pagpapanatili ng 30-araw na buffer stock ng bigas upang matiyak ang seguridad sa pagkain sa panahon ng mga sakuna, natural man o gawa ng tao. Para higit na patatagin ang presyo at suplay ng bigas, paiigtingin ng Bureau of Plant Industry ang inspeksyon at pagmamanman sa mga bodega at pasilidad pang-agrikultura upang matugunan ang mga isyu tulad ng smuggling at hoarding.

“We want to avoid a situation where the price of rice shoots up unnecessarily due to smuggling or hoarding. This has long been a problem in the country that should be addressed immediately,” ani Senate President Francis “Chiz” Escudero.

Ang mga repormang ito ay naglalayong tiyakin ang isang produktibong hinaharap para sa mga magsasaka ng bansa habang tinutugunan ang mga hamon sa suplay at presyo ng bigas. “This is a resounding victory for the many stakeholders and farmer groups that requested for the law to be extended with amendments. We are planting the seeds to a fruitful and productive future not only for our farmers, but also for our beloved nation,” dagdag ni Villar.

Sa pagpapalawig at pagpapalawak ng RCEF, pinagtitibay ng pamahalaan ang pangako nitong palakasin ang sektor ng agrikultura at tiyakin na ang bigas ay nananatiling abot-kaya at naaabot ng bawat Pilipino.