Speaker Ferdinand Martin Romualdez Speaker Ferdinand Martin Romualdez

Bagong benepisyo ng PhilHealth resulta ng pagtutulungan ng Kamara, PhilHealth, gobyerno

17 Views

ISANG malaking tagumpay para sa mga karaniwang Pilipino ang panibagong pagpapalawak ng benepisyo para sa mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kasunod ng naging hakbang ng PhilHealth na palawakin ang benepisyong ipinagkakaloob nito sa kanilang mga miyembro na nangangailangan ng serbisyong medikal.

“This is a big win for ordinary Filipinos. Para sa mga kababayan nating matagal nang nabibigatan sa gastos sa gamutan—ito po ang resulta ng pagtutulungan ng Kongreso, ng PhilHealth, at ng buong pamahalaan,” ani Speaker Romualdez.

Matagal nang isinusulong ni Romualdez ang mga reporma sa pambansang sistemang pangkalusugan upang matugunan ang tunay na pangangailangan ng mga pasyente at kanilang pamilya.

Aniya, ang mga bagong benepisyo ng PhilHealth ay tugon sa matagal nang hinaing na inilapit ng Mababang Kapulungan sa mga pagdinig, konsultasyon at pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder.

Isa sa mga unang tinutukan ay ang tulong para sa mga pasyenteng nagda-dialysis. Mula sa dating 90 session sa isang taon, ginawa na itong 156 session para matugunan ang tatlong gamutan kada linggo. Itinaas din ang bayad kada session mula P2,600 hanggang P6,350, kaya ang kabuuang tulong sa isang taon ay halos P1 milyon.

“Alam ko ang hirap ng pamilya kapag may pasyenteng nagda-dialysis—madalas, kailangan mamili kung magpapagamot o kakain. Ngayon, hindi na sila kailangang mamili,” dagdag pa ng pinuno ng Kamara.

Tinaasan din ang tulong para sa peritoneal dialysis: P500,000 bawat taon para sa mga adult at P1.2 milyon para sa mga bata.

Sakop na rin ngayon ang kidney transplant ng mga bata hanggang P2.1 milyon, habang ang sa mga adult ay higit P1 milyon, kasama na ang gamutan pagkatapos ng operasyon, mga lab test at importanteng gamot.

“These are life-changing numbers. But more importantly, these are lifelines for families who have been praying for relief,” ani Speaker Romualdez.

Pinuri rin ni Romualdez ang pagpapatupad ng PhilHealth ng facility-based outpatient emergency care na matagal na niyang isinusulong para masigurong may tulong ang mga pasyente sa emergency room kahit hindi sila ma-admit.

Tinugunan nito ang karaniwang sitwasyon kung saan napipilitang umalis ang mga pasyente sa ER dahil walang pambayad.

“Hindi na kailangang maghintay pa na lumala ang kalagayan para lang masabing may PhilHealth coverage. Lahat ng may emergency ay may karapatang matulungan,” giit ni Romualdez.

Pinalawak din ng PhilHealth ang tulong para sa mga maysakit sa puso, isa rin sa mga isyung binigyang-diin ng Kamara.

Kasama na ngayon ang P130,000 para sa gamutan ng heart attack na hindi kailangang operahan, hanggang P530,000 para sa mga procedure tulad ng angioplasty, pati na ang cardiac rehabilitation at ambulance transport.

“Kapag puso ang may problema, dapat maagapan. Ang puso ay hindi puwedeng ipagpaliban,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.

Binanggit ni Romualdez na ang mga repormang ito ay resulta ng mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng House of Representatives, PhilHealth at Department of Health. Aniya, ito ang bunga ng pamahalaang nakikinig at kumikilos batay sa tunay na pangangailangan ng taumbayan.

“Nangako tayo ng Bagong Pilipinas. Ibig sabihin, hindi lang bagong plano—kundi bagong resulta, bagong pag-asa, at bagong serbisyo para sa bawat pamilyang Pilipino,” pahayag ng Speaker.

Muling nanawagan si Romualdez para sa karagdagang reporma, kabilang ang rebisyon sa charter ng PhilHealth upang mas maging tunay na katuwang sa kalusugan.

Layunin niya na masaklaw ang hindi bababa sa 50 porsiyento ng gastusin sa mga pribadong ospital at mabigyan ng mga preventive services gaya ng libreng X-ray, mammogram, HPV vaccines at laboratory tests.

“Our goal is simple: no Filipino should be denied health care because of poverty. And today, we move one step closer to that goal,” pahayag ni Speaker Romualdez.

Nagpasalamat din si Speaker Romualdez kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa pamunuan ng PhilHealth at sa buong sektor ng kalusugan sa kanilang pagtutulungan para matupad ang pangakong universal health care.

“Walang mas hihigit na pribilehiyo sa pagiging lingkod-bayan kundi ang makatulong sa pagpapagaling ng isang kapwa Pilipino. Sa bawat pasyenteng gumagaling, sa bawat pamilyang gumagaan ang buhay, doon natin mararamdaman na may kabuluhan ang ating serbisyo,” diin pa ni Speaker Romualdez.