Calendar
Bagong drivers, riders bawal na kunin ng TNCs, MTPPs
PINAGBAWALAN ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang mga Transport Network Companies (TNCs) at Motorcycle Taxi Platform Providers (MTPPs) na tumanggap ng mga bagong driver at rider dahil lagpas na sa itinakdang limit ang bilang ng mga driver at rider ng ilang TNCs at MTPPs.
Nauna nang iniutos ng Pangulo na imbestigahan ang pag-abuso ng ilang mga TNC dahil sa paglagpas sa maximum limit ng mga drivers na pwedeng i-onboard na nagreresulta sa “tempo driver.”
Inatasan ni Secretary Lopez ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipatigil ang onboarding ng mga bagong TNVS at MTPPs maliban sa mga may valid na prangkisa.
“Malinaw naman ang utos ng Pangulo, dapat umaksyon tayo kaagad para hindi malagay sa alanganin ‘yung mas marami pang drivers at riders. Nararapat lamang na gawing legal ang kanilang onboarding.
Hindi na dapat magpatuloy ang maling sistema, aayusin natin ito kaagad,” ayon kay Secretary Lopez.
Ipinagbabawal na rin ang mga on-the-spot at same-day onboarding activities ng mga driver, nang walang pahintulot ng LTFRB.
Pinag-aaralan na rin ng kalihim ang mga parusa at multa para sa mga TNC at MTPP na mapapatunayang lumabag sa itinakdang limit sa onboarding.
