Rubio BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio

Bagong henerasyon ng ASEAN Single Window pag-aaralan

137 Views

Sa ugnayan ng BOC, DOF sa ASEAN-USAID

NAKIPAG-UGNAYAN ang Bureau of Customs (BOC) at Department of Finance (DOF) kamakailan sa ASEAN-USAID Partnership Program upang talakayin ang pagbuo sa isang pag-aaral para sa bagong henerasyon ng ASEAN Single Window (ASW).

Ang ugnayang ito ay naglalayong palakasin ang papel ng Pilipinas sa pagpapabilis ng proseso ng kalakalan sa rehiyon.

Pinangunahan ni OIC Assistant Secretary Angelica I. Sarmiento ang pagtalakay para sa panig ng DOF at si MISTG Acting Deputy Commissioner Michael C. Fermin naman ang kumatawan sa BOC.

Kasama rin sa pagpupulong ang mga pangunahing stakeholders at ang secretariat ng NSW-TWG.

Tinalakay sa sesyon ang iba’t ibang polisiya, usaping legal, at ang teknikal na aspeto nito upang mapalakas ang susunod na henerasyon ng ASW.

Binigyang-diin ni Acting Deputy Commissioner Fermin ang mga proactive na hakbang na ginawa ng Pilipinas, partikular ang National Feasibility Study on Cross-border Electronic Exchange, na suportado ng United Nations Economic and Social Commission for Asia and the Pacific (UN ESCAP). Ang mga natuklasan ng ESCAP National Feasibility Study ay itinampok sa sesyon kasama ang USAID-ASEAN.

Kasama sa ibinahagi ni Acting Deputy Commissioner Fermin ang mga rekomendasyon para mapalakas ang ASEAN Single Window system ang pagkakaroon ng technical compatibility ng iba’t ibang global trade systems, pagbuo ng mobile-friendly version nito, at implementasyon ng matatag na data quality control.

Inirekomenda rin ang pagpapalakas ng data security, pagpapalwig ng palitan ng mga dokumento, at pagbibigay ng mabilis na access sa mga micro small and medium enterprises.

Ang ASEAN-USAID Partnership Program ay gagawa ng intermediate report para sa New Generation ASW Study sa isasagawang 68th TWG Meeting na gaganapin sa Cebu City sa Oktobre.

Muling iginiit ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang pangako ng BOC na lalong pagiibayuhin ang pagganap nito sa kanilang mandato kasama na ang pagpapabilis ng proseso ng kalakalan.

“This partnership underscores the BOC’s dedication to advancing trade facilitation and strengthening the Philippines’ role in ASEAN and global trade,” sabi nito.

Binigyan-diin ni Commissioner Rubio ang kahalagahan ng pagtutulungan para sa maayos na proseso ng kalakalan.