Nograles

Bagong loan program ng Land Bank pinuri

62 Views

Pinuri ni House Committee on Labor and Employment Chairman Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles ang bagong loan program ng Land Bank of the Philippines (LANDBANK) para sa mga pensioner at kawani ng gobyerno, na aniya’y makakatulong upang hindi na sila mapilitang umutang sa mga loan shark sa oras ng pangangailangan.

“Maganda po ang bagong loan program na ito upang may legal na malalapitan ang ating mga kawani ng pamahalaan at pensyonado sa halip na lumapit sa mga nagpapa-5-6,” ani Nograles.

Kamakailan, inilunsad ng LANDBANK ang Pension and Emergency Relief (PeER) Loan Facility, na nagbibigay ng pautang mula ₱20,000 hanggang ₱100,000 na may 10 porsyentong interes kada taon.

Layunin ng programa na magbigay ng abot-kayang tulong pinansyal sa mga pensioner at kawani ng gobyerno, ayon sa LANDBANK.

Ang loan ay maaaring gamitin para sa mga emergency expense, gastusing medikal, at iba pang agarang pangangailangan.

Ang PeER Loan Facility ay may dalawang opsyon: Pension Loan – Para sa mga qualified clients na may LANDBANK pension accounts.

Emergency Relief Loan – Para sa mga regular na empleyado ng gobyerno na may LANDBANK payroll accounts at nakapagserbisyo na ng hindi bababa sa isang taon.

Binanggit ni Nograles ang kalbaryo ng maraming empleyado ng gobyerno, kabilang ang mga guro, na napipilitang umutang sa mga loan shark.

“Bukod sa napakataas na interes, may panghihiya pa’ng ginagawa ang mga lender na ito dahil nagpapadala sila ng text sa mga kakilala ng napautangan nila para maningil,” ani Nograles.

Umaasa ang kongresista na sa tulong ng bagong loan facility, mas kakaunti ang mahuhulog sa bitag ng mga mapang-abusong nagpapautang.

“Ang ganitong programa ay makakapagbigay ng proteksyon at mas maayos na opsyon para sa ating mga kawani at pensyonado. Sana’y magsilbing inspirasyon ito para sa iba pang institusyon na mag-alok ng makataong tulong pinansyal,” dagdag niya.