Mendoza Si LTO Chief Atty. Vigor D. Mendoza II (gıtna) kasama sina LTO-Executive Director Atty. Greg P Pua Jr., LTO-Region 4A Director Elmer Decena at iba pang opisyales ng LTO-Region 4A.

Bagong promote, bagong hire sa LTO nanumpa sa tungkulin

Jun I Legaspi Sep 16, 2024
122 Views

NANUMPA kay Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang mga bagong-promote at bagong-hire na empleyado ng LTO sa CALABARZON.

Sa kabuuan, 56 plantilla positions ang napunan sa mga tanggapan ng LTO sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon dahil sa pagsisikap ni Regional Director Elmer Decena alinsunod sa direktiba ni Mendoza.

Sa seremonya na ginanap sa Lipa City noong Setyembre 16, binigyang-diin ni Mendoza ang pangangailangang palakasin ang morale ng mga empleyado ng LTO sa pamamagitan ng job security.

“Job security is very important because almost all of us are breadwinners. Job security means financial security for our family and promotion means additional money that we could spend on the daily expenses in our homes,” dagdag niya.

Nagpasalamat si Mendoza kay Pangulong Marcos, sa Department of Budget and Management (DBM) at kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime J. Bautista para sa kanilang suporta na nagresulta sa pagbubukas ng mas maraming plantilla positions sa LTO.

Sinabi niya na pareho ang layunin nina Pangulong Marcos at Secretary Bautista na palakasin ang morale ng mga manggagawa sa gobyerno sa pamamagitan ng job security at merit-based promotions.

“This is not only happening here in Calabarzon, this is also happening in all our offices across the country,” ani Mendoza.

Hinimok ni Mendoza ang mga bagong-hire at bagong-promote na empleyado ng LTO na ipagpatuloy ang paglilingkod sa gobyerno nang may integridad at sipag.

Pinuri rin ni Mendoza ang Regional Office IV-A dahil sa kahusayan sa serbisyo na naglagay sa regional office bilang isa sa mga consistent top performers ng LTO.