Jojo

Bagong single ni Jojo para kay Rainier?

Ian F Fariñas Mar 17, 2025
16 Views

PAHINGA muna si Jojo Mendrez sa pagiging “Revival King” dahil original OPM composition ang binanatan niya sa ilalim ng pinirmahang kontrata sa Star Music label.

Ang bagong kanta ni Jojo na “Nandito Lang Ako” ay composed ng mismong creative director ng ABS-CBN Music na si Jonathan Manalo.

Kare-release lamang nito sa Spotify noong isang linggo at isusunod ang bonggang music video kung saan makakasama ni Jojo ang Superstar na si Nora Aunor.

Ngayon pa lamang, inaasahan na itong humataw sa naturang global streaming app kasunod ng huling single ni Jojo na “Somewhere in my Past,” na nagtala lang naman ng 50 million collective views across all platforms.

Ayon kay Manalo, tailor-made ang kantang “Nandito Lang Ako” para kay Jojo.

Dahil tungkol sa patience, sacrifice at unconditional love, naisip umano niya na swak ang naturang komposisyon sa inspiring life story ng singer-entrepreneur na tubong-Lucena.

Pang-pelikula nga o teleserye ang naging journey ni Jojo sa showbiz, na sa murang edad ay sumasali na sa iba’t ibang singing contest para kumita ng pera.

Dalawa nga sa mga naging idolo niya that time sina Concert Queen Pops Fernandez at Megastar Sharon Cuneta.

Hindi naging madali ang pagsikat ni Jojo sa larangan ng pag-awit, pero dahil sa tiyaga at pagsisikap, ngayo’y isa na siya sa mga itinuturing na paborito ng mga batikang composer tulad nina Manalo at Mon del Rosario, sumulat ng “Somewhere in my Past.”

Speaking of Del Rosario, si Jojo ang muli niyang napili para mag-record ng 2025 version ng signature hit ni Tina Paner na “Tamis ng Unang Halik.”

Matatandaan na sumikat ang nasabing OPM classic noong taong 1986.

Makalipas ang halos apat na dekada, bubuhayin ito ni Del Rosario at bibigyan naman ng makabagong hagod ni Jojo para sa fans ng OG Pilipino music.

Bilang “Revival King,” ang ilan pa sa OPM hits na ginawan niya ng remake ay ang “Tuyo Nang Damdamin” ng APO Hiking Society, “Magkabilang Mundo” ni Jireh Lim, “Sana” at “Handog” ni Florante na, incidentally, ay kinilala ng Star Awards for Music bilang Revival Song of the Year noong 2018.

Samantala, bukod sa pagkakaroon ng bagong labas na single, maingay ding pinag-uusapan si Jojo ngayon dahil sa sightings sa kanila ng isa pang homegrown Kapuso artist na si Rainier Castillo.

Para sa mga hindi nakakaalam, si Rainier ay kapwa-‘StarStruck’ 1 alumna ni Mark Herras, na kamakailan ay na-link din kay Jojo.

Kung sina Jojo at Mark ay magkasamang naispatan ng netizens sa Okada, sina Jojo at Rainier naman ay namataan sa isa pang sikat na hotel casino.

Naguguluhan tuloy ang netizens kung para kanino ba talaga inaalay ni Jojo ang kantang “Nandito Lang Ako.” Kay Mark ba o kay Rainier?

May sulutan nga bang naganap kahit pareho nang itinanggi nina Jojo at Mark ang sinasabing relasyon nila?

Well, abangan na lang natin ang magiging sagot nina Jojo at Rainier.