Chiong

Bagong terminal assignment sa NAIA ilalabas sa Abril

Jun I Legaspi Mar 27, 2023
180 Views

MAGLALABAS ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng bagong terminal assignment sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon sa MIAA itutuloy nito ang phase 2 ng Schedule & Terminal Assignment Rationalization (STAR) program sa Abril.

Sa ilalim ng programa ang Terminal 2 ay gagawin na lamang all domestic facility.

Ang Terminals 1 at 3 naman ang gagamitin para sa mga international flights.

“With this move, we expect a significant increase in Terminal 2’s capacity from 7.5M to 10M passengers a year, 20 to 25% more than its current rate,” sabi ni MIAA General Manager Cesar Chiong.

Dahil maaalis na ang international flights sa Terminal 2 tatanggalin na rin ang mga immigration counter nito.

Sa ganitong paraan ay matutulungan din umano ng MIAA ang Customs, Immigration, at Quarantine (CIQ) sa pagtatalaga ng kanilang mga personnel.

Simula sa Abril 16, ang Jetstar Japan, Jetstar Asia, Scoot, China Southern Airlines at Starlux Airlines ay ililipat na sa Terminal 3. Ang biyahe naman ng Philippine Airlines (PAL) galing at patungo sa Singapore, Ho Chi Minh, Hanoi, at Phnom Penh ay ililipat naman sa Terminal 1.

Sa Hunyo 1 naman ang Ethiopian Airlines at Jeju Air ay lilipat na sa Terminal 3. Sa Hunyo 16 ang lahat ng international flight ng Philippine Airlines ay nasa Terminal 1 na.

Sa third phase ng programa, simula Hulyo 1 ang lahat ng domestic flights ng Philippines AirAsia ay ililipat na sa NAIA Terminal 2.

Habang inaayos ng MIAA ang Terminal 2, lahat ng domestic operation ng Cebu Pacific ay mananatili muna sa Terminal 3 at 4.