Calendar

Bagong terminal sa Caticlan Airport hinirang na simbolo ng panibagong panahon para sa turismo, pag-unlad ng rehiyon
BILANG isang mahalagang hakbang sa pagsusumikap ng pamahalaan na gawing moderno ang air transport infrastructure ng bansa at pasiglahin ang turismo sa mga rehiyon, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang groundbreaking ceremony ng bagong Passenger Terminal Building (PTB) sa Godofredo P. Ramos Airport sa Caticlan, Aklan nitong Lunes.
Sa kanyang talumpati, tinanggap ni Pangulong Marcos ang PTB initiative bilang makapangyarihang simbolo ng matagumpay na pagtutulungan sa pagitan ng pampubliko at pribadong sektor.
Binigyang-diin niya na mahalaga ang proyektong ito sa pagpapalakas ng konektividad, pagsuporta sa lokal na ekonomiya, at pagbibigay ng mas maginhawa at episyenteng biyahe sa milyun-milyong pasaherong papunta at pabalik mula sa tanyag na isla ng Boracay.
“Kami’y labis na natutuwa at sabik dahil unti-unti na nating nabubuo ang pundasyon ng ating polisiya na buksan ang mga lugar — mga destinasyong panturismo at pangnegosyo — sa mga banyagang manlalakbay nang hindi na kailangang dumaan sa paliparan sa Maynila,” ani Pangulong Marcos.
“At ito ay dahil — bagaman ang Manila Airport ay patuloy na inaayos at pinapaganda, muli, sa pamamagitan ng kasunduan sa San Miguel — ay nadaragdagan ang kapasidad nito sa oras-oras at taon-taon para sa mga pasahero,” dagdag pa niya.
May kabuuang halaga ang proyekto na ₱2.5 bilyon at ipatutupad ito ng San Miguel Corp. (SMC) sa pamamagitan ng subsidiary nito na Trans Aire Development Holdings Corp., katuwang ang Department of Transportation (DOTr). Ang konstruksyon ay isasagawa ng Megawide Construction Corp., isang kumpanyang kilala sa larangan ng airport development at pampublikong imprastruktura.
Dinisenyo ang bagong terminal upang kayang tumanggap ng hanggang pitong milyong pasahero kada taon, papalitan nito ang kasalukuyang pasilidad at inaasahang magbibigay ng mas episyente at komportableng biyahe para sa mga bumibisita sa Boracay at buong rehiyon ng Western Visayas. Target na matapos ang proyekto sa Disyembre 2026.
Ang bagong PTB ay magkakaroon ng kabuuang sukat na 36,470.15 square meters (sqm) — kinabibilangan ng 34,758.45 sqm na main terminal at 1,711.70 sqm na support building. Tampok sa paliparan ang makabagong mga check-in counter, maayos na security screening areas, pinahusay na baggage handling systems, at walong passenger boarding bridges. Magkakaroon din ito ng mga nakalaang utility at support system para sa tuluy-tuloy at episyenteng operasyon ng paliparan.
Sa naunang pahayag, inilarawan ni DOTr Secretary Vivencio B. Dizon ang proyekto bilang modelo ng matagumpay na public-private partnership sa ilalim ng Build Better More infrastructure program ng administrasyon ni Marcos.
Kabilang sa mga dumalo sa seremonya ay sina Secretary Dizon, Aklan Governor Jose Enrique Miraflores, CAAP Officer-in-Charge Director General Danjun Lucas, at SMC Chairman and CEO Ramon S. Ang.
Nakiisa rin ang mga opisyal ng Megawide Construction Corp., iba pang stakeholder, mga lokal na opisyal, at mga lider ng komunidad na nagpaabot ng suporta sa proyekto bilang isang mahalagang hakbang tungo sa inklusibo at napapanatiling pag-unlad ng rehiyon. PCO