Calendar
Baguio City pinagpapaliwanag sa paglalagay ng P4.4B time deposit/high yield deposits
Pinagpapaliwanag ng government auditor ang pamahalaang lungsod ng Baguio City na pinamumunuan ni Mayor Benjamin Magalong hinggil sa P4.429 bilyong halaga ng pera na ipinasok nito sa mga time deposit at iba’t ibang high-yield savings account (HYSA) hanggang noong Disyembre 31, 2023.
Batay sa Schedule of Cash in Bank – Local Currency ng Baguio City government na nakuha ng Commission on Audit (COA), ang pamahalaang panglungsod ay may 17 account sa Land Bank of the Philippines at 7 account sa Development Bank of the Philippines.
Ang mga account sa DBP ay may kabuuang halagang P1.112 bilyon, samantalang ang mga account nasa Landbank ay may kabuuang depositong P3.317 bilyon.
Ang naturang halaga ay kasama sa ulat ng COA kaugnay ng pondo ng Lungsod ng Baguio na inilabas noong Disyembre 1, 2024.
“Records show that the City Government had repeatedly placed/roll-over large amounts of cash under Time Deposit/High Yield Savings Account for the past several years. He comparative year-end balances …as reported in the financial statements in CY 2018 to 2023 has significantly increased,” ayon sa audit ng COA.
Mula P2.721 bilyon noong 2018, tumaas ng P566.98 milyon ang mga time deposit placements ng lungsod, na umabot sa P3.288 bilyon noong 2019.
Tumaas ito ng P378.907 milyon, na lumobo sa P3.667 bilyon noong 2020, at sa kabila ng mga hamon ng COVID-19 pandemic, nadagdagan pa ito ng P246.607 milyon, na umabot sa P3.914 bilyon sa pagtatapos ng taong 2021.
Noong 2022, bahagyang tumaas ang kabuuang deposito ng P19.122 milyon, ngunit lumobo ito ng P495.92 milyon noong 2023, na umabot sa P4.429 bilyon.
Puna ng mga auditor, ang pondo ng Baguio City na nasa bangko ay may interes na 0.65 porsyento hanggang 1.75 porsyento, at may maturity na mula 63 hanggang 182 araw.
“The interest rates …were way lower that the minimum agreed interest of 7.5 percent required under Sangguniang Panlungsod Resolution No. 282, series of 2001,” ayon pa sa COA.
Ayon pa sa audit team, ang lungsod ay mayroon lamang P695,005,426.93 Idle Fund na maaari nitong i-invest sa unang semestre ng 2024.
Nangangahulugan umano na lumampas ang pamahalaan ng lungsod ng Baguio ng P3.734 bilyon sa in-invest nito.
“The funds placed under HYSA/ time deposit totaling P4,428,998,741.46 as of December 31, 2023 is in excess by P3,733,993,314.53 or 537 percent over the idle fund of P695,005,426.93,” paliwanag ng COA.
Ayon sa mga auditor, ang mga idinepositong pondo ay mula sa mga pondong nakalaan para sa pagbabayad ng mga kasalukuyang obligasyon at mga pondong itinakda para sa mga naka-budget na regular at karaniwang gastusin sa operating expenses sa taong 2024.
“Such condition attributed to the accumulation of liabilities to suppliers/contractors, unsettled obligations to officers/employees and unremitted amounts in favor of other government agencies,” ayon pa sa tanggapan.
Dagdag pa rito, natukoy na ang pondong P1.877 bilyon ay bahagi ng 20% Development Fund na nakalaan para pondohan ang mga priority projects ng pamahalaan ng lungsod.
Habang ang pondo ng lungsod ay nakalagay at kumikita ng interes, sinabi ng mga auditor na ang kabuuang halaga ng bayad para sa konstruksyon at mga gastusin na may kinalaman sa mga local development projects noong 2023 ay umabot lamang sa P293.358 milyon, na tinawag nilang “quite insignificant” kumpara sa P1.877 bilyon na Development Funds na inilagay sa time deposit.
Inamin ng pamahalaang lungsod ang mga obserbasyon ng audit at nangako na susundin ang rekomendasyon na i-withdraw ang sobrang puhunan mula sa time deposits upang ma-settle ang mga liabilities at hindi nabayarang obligasyon.
Sa kabila nito, nakiusap ito sa COA na bigyan sila ng karagdagang oras upang ang mga time deposit accounts ay ma-terminate lamang pagdating ng kanilang maturity.
Gayunpaman, ipinaabot nito sa COA na ang mga abiso ng pagtatapos ng mga account ay naipadala na sa mga bangko.