Calendar
Bagyo magiging resulta ng LPA–PAGASA
POSIBLENG maging ganap na bagyo sa Miyerkules ang low pressure area (LPA) sa Philippine area of responsibility, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Huling namataan ang LPA sa layong 495 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao del Norte at inaasahang tatawid sa Southern Luzon at Visayas ngayong sa Martes bago lumabas sa West Philippine Sea sa Miyerkules.
Ayon kay PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio, mataas ang posibilidad na maging tropical cyclone ang sama ng panahon kapag nasa WPS na.
Kapag tuluyang lumakas, papangalanan ang bagyo na “Henry,” na magiging ikawalong bagyo na papasok sa bansa ngayong 2026.
Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa dahil sa LPA.
Tinatayang 50 hanggang 100 millimeters ng ulan ang maaaring maranasan sa mga naapektuhang lugar.
Pinapayuhan ang publiko na subaybayan ang mga weather bulletin ng PAGASA at maging handa sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makakaranas ng pag-ulan.

