Calendar
‘Bakasyon’ ng 8 puga tapos na, balik selda
CAMP BGEN Vicente Lim–Naaresto na ang walo sa 10 pugante sa Batangas provincial jail sa hot pursuit operation ng Sto. Tomas City at Ibaan police noong Hulyo 28.
Dakong alas-9:30 ng umaga noong Lunes naganap ang pagtakas ng 10 preso mula sa Batangas Provincial Rehabilitation Center sa Brgy. Malainin, Ibaan, Batangas.
Habang inihahatid ng isang prison guard ang ilang persons deprived of liberty (PDL) patungo sa public utility room, tinutukan siya ng ice pick ng isa sa mga ito at kinuha ang kanyang baril at itinutok sa jail guard.
Sinamantala ng ibang bilanggo ang pagkakataon upang tumakas patungong Brgy. Quilo, Ibaan.
Nagsagawa ng hot pursuit ang mga miyembro ng Ibaan police at bandang alas-10:44 ng umaga nahuli ang tatlong pugante sa sitio Burol, Brgy. Coliat, Ibaan, Batangas.
Kinilala ang unang tatlong nahuli na sina alyas Cesar, Zieg at Bob.
Bandang ala-1:30 ng hapon, nakatanggap ng impormasyon ang Sto. Tomas police na ang lima pang mga tumakas na PDL ay sakay ng ALPS Bus na bumibiyahe sa STAR Tollway.
Naharang ng pwersa ng Sto. Tomas police ang bus sa STAR Tollway at mapayapang napasuko ang mga pugante.
Kinilala ang mga naarestong pugante na sina alyas Armando, Norman, Dennis, Michael at Lester.
Narekober mula sa mga ito ang isang 9mm pistol, mga bala, magazine, balisong, ilang susi at P59,673.
Nasa kustodiya na ang mga pugante ng Sto. Tomas police para sa kaukulang dokumentasyon.
Pinuri ni PBGen. Jack Wanky ang aksyon ng mga pulis. “Hindi tayo titigil sa pagtugis sa mga tumatakas sa batas. Higit sa lahat, prayoridad namin ang kaligtasan ng publiko,” sabi ni Wanky, ang hepe ng Police Regional Office 4A.
Ang mga naarestong PDL ay may mga kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), robbery, homicide, direct assault, kidnapping at murder.

