Garma Ex-PCSO general manager Royina Garma

Bakit nagpadala si Garma ng milyones sa ex-mister sa US?

69 Views
Vilela
Police Colonel Roland Vilela

SINILIP ng quad committee ng Kamara de Representantes ang paggamit umano ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma sa diplomatic channel ng Philippine National Police (PNP) upang makapagpadala ng milyong halaga sa kanyang dating mister na dati ay nakatalaga sa Estados Unidos.

Nananatili pa ring palaisipan sa quad comm kung bakit magpapadala ng malaking halaga si Garma sa dati nitong asawa na si Police Colonel Roland Vilela.

Sa pagdinig ng komite noong Setyembre 27, lumabas ang mga ebidensya kaugnay ng umano’y paggamit ng diplomatic pouch ng PNP upang makapagpadala ng malaking halaga kay Vilela noong ito ay isang police attaché sa Philippine Consulate General sa Los Angeles, California, sa pagitan ng 2020 at 2022.

Ang PNP diplomatic pouch ay ginagamit para sa opisyal na komunikasyon at suweldo ng attaché.

Sa pagtatanong ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop sa mga opisyal ng PNP kabilang ang dating hepe ng Directorate for Intelligence bago naging PNP Chief na si Benjamin Acorda Jr., lumabas na posibleng magamit ito sa personal na interes.

Ayon kay Acorda, may mga pagkakataon na kakailanganin ng dagdag na pera ng police attaché at maaari itong idaan sa diplomatic pouch.

“Yes, your honor, especially if there are some special occasions or visits and additional expenses that are incurred by our police attachés,” paliwanag ni Acorda.

Tinanong din ni Acop kung maaaring gamitin ang diplomatic pouch sa personal transfer na kunwari ay isang opisyal na padala. “Personal na padala pupuwede, would that be correct?” usisa niya.

Sagot naman ni Acorda: “Yes, your honor, to my understanding.”

Tinanong din ni Acop si Vilela kung mayroon itong tinanggap na pera sa diplomatic pouch bukod sa kanyang opisyal na sahod.

“Kanino galing iyong hindi kasama sa suweldo mo at MOOE na natatanggap mo through the diplomatic pouch?” tanong ni Acop.

Sagot naman ni Vilela, “Iyong sahod ko po na dito, your honor,” na ang tinutukoy ay ang P120,000 buwanang sahod nito sa Pilipinas bukod pa sa $8,000 na kanyang kinikita bilang isang police attaché.

Inusisa rin ni Acop si Police Captain Delfinito Anuba na inuutusan umano ni Vilela at siyang nagpapalit ng peso para maging dollar na ipinadala sa kanya sa US.

Ayon kay Anuba, inutusan siya ni Vilela upang magpapalit ng pera.

Sinabi ni Anuba na ang peso ay ibinigay sa kanya ni Sergeant Enecito Ubales Jr. upang ipapalit.

“Saan mo naman kukunin iyong peso na iko-convert mo sa dollars?” tanong ni Acop na sinagot ni Anuba ng, “Sa PCSO building, Sir… Mga security po ni GM [Garma], Sir.”

Ayon kay Anuba, dalawang beses itong nagpapalit ng malaki — isang P30 milyon at isang P20 milyon.

Itinanggi naman ni Ubales, na pinsan at security aide ni Garma, ang sinabi ni Anuba.

“May katotohanan ba iyong sinabi niya [Anuba]?” tanong ni Acop na itinanggi ni Ubales.

Sinabi ni Acop na, “Mas paniniwalaan ko ito [Anuba]. Sinungaling ka (Ubales) rin, eh.”

Ikinontempt ng komite si Ubales at ipinakulong sa Quezon City Jail.

Hindi pa natutukoy ng komite kung para saan ang perang ipinadala kay Vilela at patuloy ang ginagawa nitong pangangalap ng dokumento at impormasyon.

Si Garma ay naging sentro ng imbestigasyon dahil sa pagiging malapit umano nito kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa kanyang papel sa implementasyon ng madugong war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Si Garma ay dating police colonel na matagal na naitalaga sa Davao at humawak sa iba’t ibang posisyon bago naging general manager ng PCSO.

Naitalaga umano si Garma sa PCSO sa tulong ng ngayon ay Sen. Christopher “Bong” Go. Siya ay nag-early retirement sa PNP at makalipas ang ilang araw ay inanunsyo ng administrasyong Duterte na siya ay itatalaga sa PCSO.

Apat na testigo ang nag-ugnay kay Garma sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lord na nakakulong sa Davao Prison and Penal Farm noong 2016 na itinuturing na bahagi ng extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng war on drugs ni Duterte.

Si Garma ay itinuturo rin na nasa likod ng pagpatay kay PCSO Board secretary Wesley Barayuga, na isang retiradong police general, dahil sa pagtutol umano nito sa pagpapalawig ng operasyon ng small town lottery.

Si Garma ay iniuugnay din sa Davao Death Squad (DDS), ang vigilante group na itinuturong nasa likod ng mga EJK noong panahon ni Duterte bilang mayor ng Davao City.

Sinabi ng self-confessed na DDS hitman Arturo Lascañas na si Garma ay isa sa mga unang miyembro ng DDS at lider umano ng isang grupo ng mga hitmen.

Nakikipag-ugnayan si Lascañas sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng imbestigasyon nito sa war on drugs ni Duterte.

Itinanggi ni Garma ang mga alegasyon laban sa kanya.

Noong Agosto 28, si Garma ay pinagbawalan na pumunta sa Estados Unidos mula sa Japan matapos kanselahin ng US gov’t ang kanyang visa na valid hanggang 2028.

Tumanggi ang US Embassy na magkomento kaugnay nito pero katulad din ito ng nangyari kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa noong 2020.

Kinansela umano ang US visa ni Dela Rosa dahil sa kanyang kaugnayan sa war on drugs ng administrasyong Duterte.