Calendar
Bakunadong bata prayoridad sa face-to-face classes—Galvez
PRAYORIDAD umano sa pagbabalik ng face-to-face classes ang mga bata na nabakunahan na laban sa COVID-19.
Ayon kay National Task Force (NTF) against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. ang pagbabakuha sa edad 5-11 taong gulang ay bahagi ng paghahanda sa pagbabalik ng face-to-face classes.
Bukod sa mga estudyante ay dapat bakunado rin ang mga guro at iba pang school staff na papasok sa mga paaralan.
“Dapat bakunado kasi ang mga unvaccinated ang tinutuluyan ng mga variant. So, as a general rule, ang sabi po namin ni Secretary “Liling” (Briones) at ng IATF, as much as possible, kailangan talaga ‘yung mga papasok ng face-to-face ay ‘yung mga bakunado,” sabi ni Galvez.
Sinabi ni Galvez na maaaring isa sa maging hakbang ng gobyerno sa hinaharap ay limitahan sa online classes ang mga hindi bakunado.
“Pag nagkaroon na ng opening of classes, as much as possible, ‘yung pupunta lang sa face-to-face are all vaccinated. Yung hindi vaccinated ibig sabihin doon sila sa online learning,” dagdag pa ni Galvez.
Nauna ng nagpahayag ng pagsuporta si Education Secretary Briones sa “Resbakuna Kids” program ng gobyerno.
“We cannot move to new forms, to new ways of teaching unless our children are safe, unless they are healthy, unless they are also happy with the learning experience,” sabi ni Briones.
Ayon sa datos ng National Vaccination Operations Center hanggang tanghali ng Pebrero 9 ay 26,363 bata na edad 5 hanggang 11-taong gulang ang nabakunahan na laban sa COVID-19. Ni ARLENE RIVERA