Calendar
Bakunahan ilalapit sa publiko—DOH
UPANG maabot ang target na mabakunahan ng booster shot ang 50% ng mga fully vaccinated laban sa COVID-19 sa unang 100 araw ng Marcos administration, magsasagawa ang Department of Health (DOH) ng pagbabakuna sa mga opisina, terminal, mall at maging sa paaralan.
Sa paglulungsad ng “PinasLakas” ngayong Martes, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na maaari ring magsagawa ng pagbabakuna sa mga palengke, pabrika, plaza at simbahan.
Target ng programa na mabigyan ng booster shot ang 23.8 milyong indibidwal sa loob ng tatlong buwan.
“Sa booster shots manunumbalik ang level ng proteksyon upang maiwasan ang malubhang kaso at kamatayan dulot ng COVID-19 at upang palawakin ang bilang ng mga Pilipino na mabibigyan pa ng proteksyon,” sabi ni Vergeire.
Sinabi ni Vergeire na target din ng PinasLakas na mabakunahan ang 90 porsyento ng mga senior citizen sa bansa.
Nasa 71.5milyong Pilipino na ang fully vaccinated laban sa COVID-19 at 15.9 milyon pa lamang ang nakapagpa-booster shot.