Teofimar Renacimiiento

Balimbing, sinungaling at oportunista si Isko Moreno

279 Views

IskoANG yabang talaga nitong si Francisco “Isko Moreno” Domagoso. Sa kanyang sariling palagay, siya ang pinakamagaling na pulitiko na tumatakbo sa pagkapangulo ng Pilipinas. Nagkakamali si Yorme.

Alam ni Moreno na tagilid ang kanyang kalagayan sa darating na halalan sapagkat mababang-mababa ang kanyang antas sa mga election survey.

Halos kulelat siya sa listahan. Kahit si Pacquiao na hindi naman matalino, walang-bilib kay Moreno.

Tapos, balimbing pa si Moreno, at sinungaling at oportunista rin.

Maaalala ng marami na nuong may plano pa si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na tumakbo bilang pangulo, todo ang tirada at pamimintas ni Moreno kay Pangulong Duterte. Alam kasi ng marami na malakas ang tiwala ni Duterte kay Bong Go.

Nang magpasiya na si Bong Go na huwag na niya ipagpatuloy ang kanyang pagtakbo sa halalang 2022, bumaligtad bigla si Moreno at lubos ang kanyang pagpupuri kay Pangulong Digong. Akala ata ni Moreno na sa pamamagitan ng kanyang pagbabalimbing at pagsisipsip, makukuha niya ang endorso ni Pangulong Duterte sa darating na halalan.

Bigo si Moreno, dahil pinili ng lapiang PDP-Laban nina Pangulong Duterte at Senador Bong Go na tangkilikin ang kandidatura ni dating Senador Bongbong Marcos (BBM).

Hindi lang yan.

Noong buwan ng Oktubre 2021, minabuti ni Moreno na purihin ang yumaong Pangulong Ferdinand Marcos, ama ni BBM. Akala kasi ni Moreno na magwawagi ang mga “disqualification cases” na inihain ng mga dilawan laban kay BBM sa Commission on Elections (Comelec). Sa palagay ni Moreno, maaari niyang makuha sa kanyang panig ang mga taga-suporta ni BBM sakaling pagbawalan ng Comelec si BBM na tumakbo sa pagkapangulo.

Nang manalo kaliwa’t kanan si BBM sa mga kasong isinalang sa kanya sa Comelec, eto na si Moreno, nangangambang matatalo sa halalan.

Matapos niya purihin si Pangulong Marcos nuong 2021, bumaligtad bigla si Moreno. Kamakailan lang, sinabi ni Moreno sa kanyang mga rally na dapat bayaran ng pamilya ni BBM ang malaking buwis na utang daw ng pamilyang Marcos sa Bureau of Internal Revenue o BIR. Marami ring masasamang sinabi si Moreno tungkol kina BBM at sa kanyang pamilya.

Balimbing talaga si Moreno! Kapag hindi niya nakamit sa pamamagitan ng pagpupuri ang kanyang nais makuha, puro pintas at pagbabatikos ang tugon ni Moreno sa kanyang pagkabigo.

Anong uri ng tao si Moreno? Siya ay hindi maaasahan, dahil balimbing, sinungaling at oportunista nga siya.

Ayon sa kampo ni BBM, walang basehan ang bintang tungkol sa di-umano’y utang na buwis ng pamilyang Marcos na pinapalaganap ng mga kalaban ni BBM, lalong-lalo na ng kampo ni Leni Robredo, isa ring oportunistang sabik na sabik iluluklok ang kanyang sarili sa kapangyarihan.

Sinungaling at oportunista din si Moreno.

Sa kasalukuyan, mayroong digmaan sa Ukraine sa Europa, matapos lusubin ng Russia ang nasabing bansa nuong Pebrero 2022. Dahil sa mga ulat sa TV tungkol sa digmaang iyon, humahanga ang buong daigdig sa kagitingan nina Pangulong Volodymyr Zelensky ng Ukraine at ng kanyang mga kababayan.

Sapagkat sabik si Moreno sa pansin, sumasakay si Moreno sa mga ulat sa TV tungkol sa digmaan sa Ukraine. Pinalabas ni Moreno sa kanyang mga kampanya na nakikita niya ang kanyang sarili sa pagkatao ni Zelensky sa dahilan na pareho silang naging artista sa pinilakang tabing bago sila naging mga pulitiko.

Ang kapal naman nitong si Moreno! Malayong-malayo sa kanya si Zelensky. Pumapalag si Zelensky sa pwersang armas ng Russia, isa sa mga makapangyarihang bansa sa buong daigdig. Dahil sa kagitingan ni Zelensky at ng mga taga-Ukraine, nahihirapan siilin ng Russia ang Ukraine. Limang linggo na ang nakalipas at bigo pa rin ang Russia na lipulin ang Ukraine.

Ano naman ang nagawa ni Moreno upang makita daw niya ang kanyang sarili kay Zelensky? Wala. Tatlong taon mula nang mahalal na pangulo ng Ukraine si Zelensky. Si Moreno, tatlong taon na naging punong-lungsod o mayor ng Maynila. Si Zelensky, pangulo. Etong si Moreno, mayor. Malaki ang pagkakaiba sa pangulo ng bansa sa mayor ng lungsod.

Kampanya lang nga sa pagkapangulo, palpak na itong si Moreno. Papaano na kaya kung si Moreno ang maging pangulo ng Pilipinas at masangkot ang ating bayan sa digmaan? Kawawang Pilipinas!

Huwag natin ihalal si Moreno sa pagkapangulo. Hindi natin kailangan ng pangulong balimbing, sinungaling at oportunista tulad niya.