Villar

Ban sa ‘No Permit, No Exam’ ni Villar lumusot na sa Kongreso

Mar Rodriguez May 9, 2023
133 Views

LUMUSOT na sa Kongreso ang House Bill No. 7548 na inihain ni House Deputy Speaker at Las Pinas Lone Dist. Congresswoman Camille Aguilar Villar na nagbabawal sa mga paaralan at unibersidad na magpatupad ng patakaran na “No Permit, No Exam” sa kanilang mga estudyante.

Nauna rito, hinikayat ni Villar ang kaniyang mga kapwa kongresista na agarang aprubahan at ipasa ang inakda nitong panukalang batas o ang “An Act Elementary and Secondary Learners with Unpaid Tuition and Other School Fees to Take the Final Examinations on Good Cause and Justifiable Grounds”.

Sa pamamagitan ng 259 affirmative votes. Pinagtibay ng Kamara de Representantes ang House Bill No. 7548 na nagpapahintulot sa mga mag-aaral mula sa mga private educational institutions na kumuha pa rin ng examination kahit hindi pa nila nababayaran ang mga school fees.

Ipinaliwanag naman ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na may mga hindi inaasahang pangyayari ang nagiging dahilan para hindi agad makabayad ng utang sa paaralan ang magulang ng mga estudyante. Subalit hindi ito dapat gamiting dahilan para pigilan silang makakuha ng examination.

“We acknowledge that there are unforeseen emergencies and events that could prevent a family from paying their obligations but this should not jeopardize the learning and welfare of students. We hope to help them overcome difficulty while also providing safeguards for the private basic schools,” ayon kay Speaker Romualdez.

Nakapaloob sa House Bill No. 7548 ang pagbabawal sa mga paaralan sa elementary at high school kabilang na ang mga kolehiyo o unibersidad ang pagpapatupad ng “No Permit, No Exam policy”. Sapagkat kailangan pakuhanin pa rin ng examination ang isang mag-aaral kahit hindi pa ito nakapag-bayad.

Gayunman, ipinaliwanag ni Villar na kailangan naman mag-execute o gumawa ng isang “promissory note” ang magulang o guardian ng isang estudyante na babayaran nito ang kanilang “outstanding financial obligation” o pagkaka-utang sa paaralan sa takdang panahon o bago matapos ang school year.