Bangkay natagpuan sa tabi ng paaralan sa QC

102 Views

PATAY na ng matagpuan ang hindi nakikilalang lalaki sa harap ng school sa Quezon City noong Sabado ng gabi.

Base sa report ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-7:50 ng gabi ng madiskubre ang biktima sa tapat ng eskwelahan na katabi ng mall sa Brgy. Sto. Cristo.

Inilarawan ang lalaki na nasa edad 30-40, 5’5 hanggang 5’8 ang taas, katamtaman ang pangangatawan at nakapulang t-shirt at asul na pantalon.

Sa imbestigasyon ni P/MSg. Romel Bonifacio Militar ng Project 6 Police Station 15, isang maintenance worker ng mall ang unang nakadiskubre sa bangkay matapos makarinig ng malakas na kalabog.

Pag-check sa pinanggalingan ng ingay, tumambad ang duguang katawan ng biktima kaya iniulat sa kanilang supervisor na siyang tumawag sa pulis.

Dinala sa Quezon City General Hospital ang biktima pero idineklarang dead-on-arrival alas-8:25 ng gabi ni Dr. Romina Mae Fajardo.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at sanhi ng pagkamatay.