Areza Nagbigay ng detalye si Pagsanjan, Laguna Mayor Cezar Areza hinggil sa idaraos na 2025 Bangkero Festival sa March 19-22.

Bangkero fest sa March 19-22 sa Pagsanjan itinakda

Gil Aman Mar 11, 2025
22 Views

HANDA na ang Pagsanjan para sa 2025 Bangkero Festival na may temang “Maligaya Niyang Tagumpay ang Marubdob na Balakin, Pagsanjan Mahal ka Namin” na nakatakda sa Marso 19-22.

Ibinahagi ni Mayor Cesar Areza ang ibat’-ibang programa na ipapakita katuwang ang Pagsanjan tourism para mahikayat ang mga tourists sa bayan na kinikilalang “tourism capital ng Laguna.”

Ang Bangkero Festival ang bahagi ng ipinagmamalaki ng bayan dahil sa kakaibang panghatak ng turismo na may malaking bahagi na ipinapasok sa tax revenue na pumapasok sa kaban ng bayan.

Inihalintulad ni Mayor Areza ang mga trabahador na bangkero ang isa sa mga bayani ng bayan na dumaan sa mga pagsasanay bago isabak sa kanilang paghahatid sundo sa “shooting the rapids” sa malaking ilog patungo sa Pagsanjan falls na nasa boundary ng Cavinti, Laguna.

Sinabi ni Led Veni Calcetas, Admin Aide III ng tourism department, na may bagong maipakikita ang kanilang festival na isinagawa
tulad ng dragon boat competition kung saan sa unang araw ang misa ng pasasalamat at gayundin ang zumba.

Tampok rin ang Korean Exchange show at dance troupe ng Pagsanjan na isasagawa ng dalawang araw na programa at bilang bahagi ng festival ang pagkilala sa ginoong bangkero, karera ng bangka, fluvial parade at iba pang magagandang kompetisyon.

Para sa magtutungo upang makiisa sa festival, may promo na P750 kada tao na magpapahatid sa Pagsanjan falls.

Katuwang rin ang Philippine Coast Guard at Philippine National Police sa ilalim ni P/Major Nasser Jibrad Bariddin, hepe ng Pagsanjan, Laguna para sa kaayusan ng programa.

Idinagdag ni Calcetas na naka ready na rin ang mga restaurant, hotels sa isasagawang festival gayundin ang mga parking space na inilaan upang maging maayos ang trapiko.