Solid North

Banta sa labi ni Pangulong Marcos Sr. kinondena ng Solid North Paryt-list

85 Views

MARIING kinondena ng Solid North Party-list si Vice President Sara Duterte matapos niyang pagbantaang huhukayin ang labi ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. at itatapon sa West Philippine Sea.

Ayon sa partido, ang pahayag na ito’y isang pagtatangka umanong ilihis ang atensyon mula sa mga paratang tungkol sa paggamit ni Duterte ng confidential funds at budget ng Department of Education (DepEd). Nagdulot ito ng matinding galit sa Ilocos Region, kung saan si Marcos Sr. ay tinitingalang bayani at simbolo ng pagkakaisa.

“Si Pangulong Marcos, Sr. ay kinikilala hindi lang bilang matapang na sundalo kundi bilang tagapagpasimula ng konseptong ‘Solid North’—isang samahan ng mga lalawigan sa Northern Luzon na pinag-iisa ng wika, kultura, at kasaysayan,” ayon sa Solid North Party-list.

Binigyang-diin ng grupo na ang pamana ni Marcos, Sr. ay patuloy na ipinagmamalaki sa rehiyon, lalo na sa Ilocos, kung saan kinikilala ang kanyang ambag sa pag-unlad ng bansa at lokal na pamahalaan. Ang “Solid North” ay matagal nang kilalang puwersang politika na parating sumusuporta sa mga kandidatong kaalyado ng pamilya Marcos.

Ayon pa sa Solid North Party-list, ang banta ni Duterte ay hindi lamang isang atakeng politikal kundi isang paglapastangan sa kulturang Pilipino na lubos na gumagalang sa mga yumaong mahal sa buhay. “Sa anumang kultura, ang paglapastangan sa yumao at libingan nila ay hindi katanggap-tanggap. Sa lipunang Pilipino, ang ganitong banta ay pinakamatinding uri ng pambabastos,” dagdag ng partifo.

Dahil dito nanawagan ang grupo sa mga Ilokano na labanan si Duterte, bawiin ang suporta, at wag iboto sa susunod na halalan.