Calendar
Banta sa UP Diliman dinaan sa socmed account ng estudyante
PINALIKAS ang mga estudyante, guro at kawani mula sa Palma Hall at Malcolm Hall ng University of the Philippines (UP) Diliman nitong Huwebes ng hapon matapos makatanggap ng mensahe mula sa social media account na umano’y pag-aari ng isang estudyante.
Agad na rumesponde ang Quezon City Police District (QCPD), Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO), Urban Search and Rescue (USAR) Team at PNP Bomb Squad upang inspeksyunin ang lugar.
Sa paunang imbestigasyon, lumitaw na nakatanggap ang nag-ulat ng insidente ng mensahe sa social media mula sa account na umano’y pag-aari ng isang estudyante.
“Maghahasik ng lagim sa buong Palma at Malcolm. Humanda kayong lahat,” nakasaad sa mensahe.
Ayon naman sa kaibigan ng umano’y sender at saksi sa insidente, may kaugnayan daw ang mensahe sa isang usapin tungkol sa pabango.
Nagsagawa ng inspeksiyon at kaukulang safety procedures ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Disposal (EOD), ngunit walang natagpuang kahina-hinala o mapanganib na bagay sa mga sinuring lugar.
Ayon sa QCDRRMO, nagsagawa rin ang mga awtoridad ng crowd control at tumulong sa paglilikas ng mga estudyante patungo sa ligtas na lugar. Nakipag-ugnayan ang mga responder sa UP Campus staff at security personnel, Bureau of Fire Protection (BFP), Department of Public Order and Safety (DPOS), UP Diliman Police (UPDP), Philippine National Police (PNP) at Traffic and Transport Management Department (TTMD).

