Calendar

Barbers: 10K illegal POGO workers sa PH hanapin, arestuhin
NANAWAGAN si House Quad Committee lead chairman Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte nitong Lunes sa mga kinauukulang ahensya na hanapin at arestuhin ang nasa hanggang 10,000 illegal na POGO workers na nananatili pa rin sa bansa.
Ginawa ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, ang panawagan matapos iulat ni Undersecretary Gilbert Cruz ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force sa mega panel na may nasa pagitan ng 9,000 hanggang 10,000 Chinese nationals na dating empleyado ng mga ipinasarang POGO hubs ang hindi pa umaalis ng bansa.
“To quote Usec Cruz, these foreigners are now ‘pakalat-kalat.’ You, the concerned agencies should be proactive, wag tutulog-tulog. This matter involves national security because these foreigners may now either be criminals or spies. For all you know, one of them is your neighbor,” ani Barbers.
Aniya, bago pa man matapos ang taong 2024 at kasunod ng pag-ban ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga POGO, ay nanawagan na ang Quad Comm sa mga kinauukulang ahensya na magtatag ng isang “central database” ng mga POGO workers.
Ikinadismaya niya na hanggang ngayon ay wala pa ring naitayong mekanismo para sa nasabing talaan.
“If we do not know how many POGO workers have entered the country and where are they located, how can we monitor their activities?” tanong ni Barbers.
Ipinabatid ni Paolo Magtoto ng Central Luzon office ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Quad Comm na naglabas sila ng alien employment permits sa 15,140 manggagawa ng 16 POGO establishments sa rehiyon.
Sinabi niyang kinansela na nila ang mga nasabing permit bilang pagsunod sa kautusan ng Pangulo na ipagbawal ang mga POGO.
“We have accordingly informed the Bureau of Immigration (BI) of such cancellations,” ani Magtoto.
Sa pagtugon sa mga tanong ni Barbers, sinabi ni Magtoto na hindi alam ng DOLE kung nasaan na ang libu-libong POGO workers.
Ipinabatid naman ni BI representative Vicente Uncad sa Quad Comm na matapos matanggap ang abiso ng DOLE sa pagkansela ng employment permits, binawi rin ng BI ang working visas ng mga Chinese nationals at ginawang tourist visas.
Nang banggitin ni Barbers na anim na buwan lang ang bisa ng tourist visa at dapat ay paso na ito sa ngayon, sinabi ni Uncad na may opsyon ang mga dayuhan na mag-apply ng extension buwan-buwan sa loob ng maximum na dalawang taon.
Nang tanungin ng Quad Comm lead chairman kung ang mga Chinese workers ay nag-apply ng extension, sinabi ni Uncad na kailangang i-verify pa ito sa kaukulang tanggapan ng BI.
“‘Yun ang sinasabi ni Usec Cruz, pakalat-kalat na ang mga ‘yan,” pabirong tugon ng mambabatas mula Mindanao.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Quad Comm, nagpahayag din ng kaparehong saloobin si Antipolo City Rep. Romeo Acop, ang overall vice chairman ng panel, kaugnay ng kawalan ng database ng mga dayuhang POGO workers.
Ayon kay Acop, wala ring iisang talaan ng mga tourist visa at iba pang entry permits na ibinibigay sa mga dayuhan, kabilang ang mga POGO personnel.
“That is because several agencies are authorized by law to issue visas, including the Department of Foreign Affairs, the special economic zones, PRA (Philippine Retirement Authority), and even DTI (Department of Trade and Industry),” ani Acop.
Wala ring kinatawan ng alinmang ahensya sa Quad Comm hearing ang nakapagbigay ng kabuuang bilang ng mga visa at entry permits na naibigay sa mga dayuhan.