EJK

Barbers ibinalik kay Sen Bato pahayag na  ‘gag show’ EJK probe ng House quad comm

54 Views

IBINALIK ni House Quad Comm overall chair Robert Ace Barbers kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang naging pahayag nito na isang ‘gag show’ ang pagdinig ng Kamara de Representantes sa extrajudicial killings (EJKs) na iniuugnay sa war on drugs campaign ng nakaraang administrasyon.

Ayon kay Barbers, maaari na ang tinutukoy ni Dela Rosa na gag show ay ang naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee kaugnay ng Duterte drug war.

“We may be accused of providing entertainment and likened to a gag show, but who is laughing?” tanong ni Barbers sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Quad Comm ukol sa mahigit 20,000 napaslang na may kaugnayan sa anti-drug war ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“On the contrary, the one who said that must be so full of himself that he didn’t notice that the joke was on him,” dagdag pa ni Barbers.

Si Dela Rosa, na isang mahalagang personalidad sa drug war ni Duterte bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP), ay patuloy na tumanggi sa mga imbitasyon na dumalo sa imbestigasyon ng Quad Comm, at tinawag pa itong isang “gag show.”

Sa kanyang opening statement sa ika-10 pagdinig ng Quad Comm, sinabi ni Barbers na ang layunin ng imbestigasyon ay tuklasin ang katotohanan sa likod ng libu-libong pagkamatay, at hindi upang magpatawa.

Itinanggi din ng mambabatas mula sa Surigao del Norte ang mga paratang na pinilit ang mga saksi upang magbigay ng testimonya, kabilang na ang mga bagong alegasyon ni Police Colonel Hector Grijaldo, na nagsabing siya ay pinilit ng mga lider ng komite na patunayan ang pagkakaroon ng reward system sa kampanya kontra-droga.

Ayon kay Barbers, ang mga saksi at mga resource person ay nagbigay ng kanilang impormasyon nang malaya at walang anumang pressure mula sa joint panel, na binubuo ng mga komite ng Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts.

Mariing itinanggi ni Barbers ang anumang pagtatangkang manipulahin ang mga testimonya, at pagbibigay diin sa integridad ng proseso ng imbestigasyon

“Forced admissions, in any way, were never a part of Quad Comm,” ayon kay Barbers, chair ng Committee on Dangerous Drugs.

Ipinunto ni Barbers na ang layunin ng Quad Comm ay hindi upang magbigay aliw kundi ay upang maghanap ng katarungan para sa mga pamilya ng mga biktima ng EJK at mga survivor na matagal nang naghahanap ng katotohanan.

Binigyang-diin ni Barbers ang tungkulin ng Quad Comm sa paggawa ng batas, na ang mga resulta ng imbestigasyon ay layuning magsilbing gabay sa paggawa ng mga bagong batas at mga rekomendasyon sa polisiya.

“If along the way, people are found to be liable, it is our duty to make sure that justice is served. There is nothing funny about it. We only mean serious business,” giit pa ng kongresista.

Tiniyak ni Barbers na nananatiling matatag ang komite sa kanilang misyon, at binanggit ang mga nakakagimbal na ebidensiyang kanilang natuklasan sa ngayon.

“We owe it to the people,” ayon pa kay Barbers, na nangangako na ipagpapatuloy ng komite ang kanilang tungkulin na tuklasin ang katotohanan.