Calendar
Barbers iginiit kahalagahan ng 5 panukala nalikha mula sa isinagawang imbestigasyon
BINIGYANG-DIIN ng lead chairman ng Quad Committee ng Kamara de Representantes ang kahalagahan ng limang panukalang batas na inihain bilang resulta ng isinagawa nitong imbestigasyon upang mapunan ang mga butas sa kasalukuyang batas.
Ito ay para matugunan ang mga isyu kaugnay ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) extrajudicial killings, at civil forfeiture ng mga ari-arian at kanselasyon ng mga birth certificate na iligal na nakuha ng mga dayuhan.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, inirekomenda rin ng komite ang pag-amyenda sa mga kasalukuyang batas upang maiwasan at hindi na maulit ang mga naging pang-aabuso sa hinaharap.
“Out of the series of hearings conducted by Quadcom, lawmakers and the public were informed and enlightened on how criminals and unscrupulous individuals or groups managed to use the flaws, loopholes and weaknesses on some of our existing laws, in the furtherance of their criminal activities. The Quad Comm is out to review, scrutinize and come up with new bills or amendments to correct those flaws and gaps in our laws,” ani Barbers.
“Sa isang simpleng pag-analisa, pinag-aralang maigi ng mga local at foreign crime syndicates ang mga kahinaan at butas ng ating mga batas at ginamit nila ito upang maisakatuparan ang kanilang mga illegal na gawain sa ating bansa,” dagdag pa nito.
Ang limang panukalang batas na naihain bilang resulta ng isinagawang imbestigasyon ay ang mga sumusunod:
House Bill No. 10986 – na nagkaklasipika sa extra-judicial killings bilang heinous crime, at pagbabayad sa mga biktima.
2. House Bill No. 10987 – na nagbabawal sa anumang uri ng offshore gaming operations sa bansa
3. House Bill No. 11043 – civil forfeiture sa mga ari-arian na iligal na nabili ng mga dayuhan
4. House Bill No. 11117 – para maaaring makansela kaagad ang mga birth certificate na iligal na ginagamit ng mga dayuhan para makabili ng mga ari-arian at makapagnegosyo sa bansa.
5. House Bill No. 10998 – pagpaparusa sa sabwatan at panukalng paggawa ng espionage o paniniktik.
Sinabi ni Barbers na naging produktibo ang imbestigasyon ng komite kung saan narinig ang panig ng iba’t ibang resource person at naisiwalat ang iba’t ibang ebidensya.
“Napakadali lang para sa mga kritiko, lalo na iyung mga bayaran, na sirain o gibain ang ngalan at nagawa ng Quadcom, ng mga co-chairs at members nito. Sadyang di nila pinapansin o binibigyan ng importansya ang mga mahahalagang findings ng Quadcom tulad ng pagkakilala sa mga Pinoy at Chinese individuals na pasok sa drug smuggling sa bansa, mga Pinoy at banyaga na nagbibigay ng proteksyon sa mga POGO at sa mga ibat-ibang illegal na gawain nito, at sa mga otoridad na nagbigay ng proteksyon at pera sa mga alagad ng batas para magsagawa ng EJKs na ikinamatay ng may 30,000 na biktima na hindi binigyan ng due process o hustisya,” paliwanag ni Barbers.
“Ok lang at welcome sa amin sa Quadcom ang mga kritisismo o pag-puna sa mga kulang at pagkukulang sa mga nagawa o ginagawa ng aming panel. Dapat lang siguro na itama kung may pagkakamali. Ang problema sa ibang kritiko, lalu na yung kilala natin na may kakaibang political leanings, sa paningin nila, ay puro mali at walang tamang ginawa ang Quadcom. Sila lang ang parating tama, mga tinamaan ng lintik,” dagdag pa nito.
Ang Quad Comm ay binubuo ng House committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Public Accounts at Human Rights.
Nagsimula ang imbestigasyon sa narekober na P3.6 bilyong halaga ng shabu sa isang warehouse sa San Jose Malino, Mexico, Pampanga noong Setyembre 2023. Mula dito ay nagsanga-sanga na ang isyu mula sa kung papaano nakakapasok ang iligal na droga sa bansa, pagpatay sa mga kakompetensya sa bentahan ng iligal na droga, at ang mga nasa likod ng sindikato na nagbibigay ng proteksyon dito.
“Upon deeper probe, the panel uncovered from Empire 999 corporate papers that its incorporators are linked to the illegal drug trade and organized crime activities facilitated by POGOs. What was initially presented as a revenue-generating industry has instead become a breeding ground for illegal activities such as illegal drugs, human trafficking, money laundering, investment scams, cybercrimes, tortures and even murders,” sabi ni Barbers.
“Sa ating initial na imbestigasyon dito sa Empire 999, nakita natin na ang modus operandi ng mga POGO ay gumamit ng Pinoy at Tsinoy na dummies bilang nominal owners at magtatag ng mga kaduda-dudang magkaka-ugnay na layers ng mga korporasyon upang itago ang tunay na pinagmulan ng pondo at identity ng mga tao sa likod nito.”
“Ang ganitong modus o layering ay hindi lamang nagtatago sa source nila ng pondo, kundi pinapaliit din nito ang mga dapat nilang bayaran na buwis at nagbibigay proteksyon din sa pagkakakilanlan sa mga operators nito,” dagdag pa nito.