Barbers

Barbers: Maaga pa para magbigay ng magandang konklusyon

Mar Rodriguez Jul 10, 2026
27 Views

PARA kay House prosecution spokesperson Robert Ace Barbers, masyadong pang maaga para magbigay ng magandang konklusyon ang prosecution team kaugnay sa naging paglilitis ng Senate impeachment court sa kasong grave threat laban kay Vice President Sara Duterte.

Nagbabala si ex-Rep. Barbers, dating Chairman ng House Quadrupole Committee, laban sa pagbibigay ng maagang konklusiyon sapagkat kumbaga sa basketball “first quarter” pa lamang ang laban sa impeachment court.

“Kumbaga kung sa basketball, first quarter pa lang ito,” paliwanag ni Barbers.

Para naman sa House prosecution panel, isa itong “magandang linggo” dahil ang magiging resulta ng paglilitis ay hindi nakasalalay sa kung sino ang mas maraming napanalong usaping pang-proseso sa loob ng korte, kundi sa tibay ng mga ebidensiyang ihaharap.

Sinabi ni House impeachment prosecution team member at San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora na kuntento ang prosekusyon sa paraan ng paglalahad nito ng kaso sa ngayon, ngunit hindi niya sinabing lamang na sila sa paglilitis.

Ipinahayag din ni House impeachment prosecutor at 1-Rider Party List Rep. Rodge Gutierrez ang parehong pananaw at tila nagiging parang paligsahan ang pagtingin ng publiko sa paglilitis.

“Napapansin natin mula pa noong unang araw na parang nagiging tally na ang tingin ng publiko sa nangyayari rito, na para bang nagbibilangan ng puntos,” ayon kay Gutierrez.