Calendar
Barbers nagbabala sa tinatawag na “creeping Chinese invasion” sa Pilipinas
𝗡𝗔𝗚𝗕𝗔𝗕𝗔𝗟𝗔 𝗮𝗻𝗴 c𝗵𝗮𝗶𝗿𝗺𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗛𝗼𝘂𝘀𝗲 𝗖𝗼𝗺𝗺𝗶𝘁𝘁𝗲𝗲 𝗼𝗻 𝗗𝗮𝗻𝗴𝗲𝗿𝗼𝘂𝘀 𝗗𝗿𝘂𝗴𝘀 𝗻𝗮 𝘀𝗶 𝗦𝘂𝗿𝗶𝗴𝗮𝗼 𝗱𝗲𝗹 𝗡𝗼𝗿𝘁𝗲 𝟮𝗻𝗱 𝗗𝗶𝘀𝘁. 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗥𝗼𝗯𝗲𝗿𝘁 𝗔𝗰𝗲 “𝗔𝗹𝗮𝘀” 𝗦. 𝗕𝗮𝗿𝗯𝗲𝗿𝘀 𝗽𝗮𝘁𝘂𝗻𝗴𝗸𝗼𝗹 𝘀𝗮 𝗻𝗮𝗸𝗮𝗸𝗮-𝗮𝗹𝗮𝗿𝗺𝗮𝗻𝗴 “𝗖𝗵𝗶𝗻𝗲𝘀𝗲 𝗶𝗻𝘃𝗮𝘀𝗶𝗼𝗻” 𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗶𝘀𝘁𝘂𝗹𝗮𝗻𝗴 𝘂𝗻𝘁𝗶-𝘂𝗻𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝗮𝗻𝗮𝗸𝗼𝗽 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗖𝗵𝗶𝗻𝗲𝘀𝗲 𝗻𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻𝗮𝗹𝘀 𝗱𝗮𝗵𝗶𝗹 𝘀𝗮 𝗸𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗿𝗲𝘀𝗲𝗻𝘀𝗶𝘆𝗮 𝘀𝗮 𝗶𝗯𝗮’𝘁-𝗶𝗯𝗮𝗻𝗴 𝗹𝘂𝗴𝗮𝗿 𝘀𝗮 𝗣𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗮𝘀.
Sa ekslusibong panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Barbers na noon pa man ay nagbabala na siya kaugnay sa tinatawag na “creeping Chinese invasion” o ang nakakabahalang pagdagsa at presensiya ng mga Chinese nationals sa Pilipinas na ang karamihan ay konektado sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Nang tanungin si Barbers kung ano ang posibleng layunin o puno’t-dulo ng di-umano’y Chinese invasion sa Pilipinas, Sinabi ng kongresista na kung pag-aaralan ang mga kasalukuyang kaganapan at sitwasyon posibleng ang dahilan ng utay-utay na pagdagsa ng mga Intsik sa bansa ay dahil sa napakayamang resources ng “Ayungin Shoal” sa West Philippine Sea (WPS) gaya ng langis at iba pang yamang dagat na taglay nito na matagal ng pinag-iinteresan o pinagnanasaan ng China.
Binigyang diin ni Barbers na hindi naman talaga layunin o interes ng China na literal na sakupin ang Pilipinas kundi ang makuha o unti-unting masamsam ang yamang dagat ng Ayungin Shoal.
Kaya ganoon na lamang ang paghahangad at pagpupursige ng mga Chinese nationals na maglipana ang kanilang lahi sa Pilipinas.
“Noon pa man. Ito na ang simasabi ko tungkol sa creeping Chinese invasion. Ang nakikita ko dito. Hindi naman talaga literal na nais nilang sakupin ang Pilipinas. Ang talagang interes nila ay ang yamang taglay ng Ayungin Shoal. Alam naman natin na mayaman sa natural resources ang Ayungin Shoal gaya ng langis,” paliwanag ni Barbers.
Bukod dito, ipinahayag pa ng mambabatas na parang ginawang “dumpsite” ng China ang Pilipinas sapagkat dito umano nila itinambak sa ating bansa ang kanilang mga kababayan (Chinese nationals) na illegal na nasangkot sa operasyon ng POGO sa kanilang sariling bansa na mahigpit na ipinagbabawal o ban mismo sa kanila.
Nang muling tanungin ang kongresista kung posibleng bang konektado sa tinatawag na “gentleman’s agreement” sa pagitan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese Presideng Xi Jin-Ping ang mga pangyayaring ito, sinabi ni Barbers na “posibleng konektado” kaya ito aniya ang kasalukuyang sinisikap ng Kamara de Representantes na malaman ang buong katotohanan sa kanilang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa nasabing issue.
“Posibleng may kinalaman ito. Kaya ito ang sinisikap natin alamin sa aming imbestigasyon dito sa Kongreso,” sabi pa ni Barbers sa panayam ng People’s Taliba.