Barbers

Barbers sa PNP: Imbestigahan mga pulis na suma-sideline bilang mga bodyguard ng POGO

Mar Rodriguez May 23, 2024
93 Views

NANANAWAGAN ang isang kongresista sa liderato ng Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang diumano’y “unauthorized deployment” ng ilang pulis na nagsisilbi bilang mga bodyguard ng mga Chinese na nagta-trabaho sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Ayon kay Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace “Alas” S. Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, kinakailangan busisiing mabuti ni PNP Chief Police Major General Rommel Francisco Marbil ang nasabing impormasyon dahil matagal na rin itong namamayagpag.

Binigyang diin ni Barbers na may mga Chinese officials at workers ng POGO ang malalakas ang loob dahil narin sa kanilang paniniwala na protektado o secured sila ng mga tauhan ng PNP. Kung saan, naniniwala pa ang mga Intsik na hindi magagalaw kahit dulo ng kanilang daliri.

Ang reaction ni Barbers ay kasunod ng ulat ng GMA News patungkol sa dalawang tauhan ng PNP Special Action Force (SAF) na nakatalaga sa Zamboanga City. Matapos silang maaresto ng mga pulis ng Muntinlupa City dahil sa pagkakasangkot nila sa nangyaring kaguluhan sa loob ng bahay ng isang POGO official.

Sinabi pa ni Barbers na nabisto din ang dalawang pulis ng SAF na “nagmo-moonlighting” suma-sideline sila bilang mga personal bodyguard ng isang hindi pinangalanang Chinese POGO official na naninirahan sa Barangay Ayala Alabang sa Muntinlupa City nang walang pahintulot mula sa PNP.

Sabi ng kongresista, pinahintulutan umano ng Batallion Commander ng dalawang PNP ang kanilang deployment bilang mga bodyguard ng POGO. Habang ang sahod naman para sa kanilang serbisyo ay umaabot ng P40,000 kada buwan at P20,000 naman ang napupunta sa kanilang superior.

“Worse, the two arrested PNP SAF officers could not provide documents as proof that they are officially designated as POGO bodyguards,” sabi ni Barbers.