Barbers

Barbers: Wala pang napapatunayan para makasuhan o madiin mga sangkot sa “gentleman’s agreement”

Mar Rodriguez May 28, 2024
99 Views

AMINADO si Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace “Alas” S. Barbers na wala pa talagang napapatunayan ang Kongreso para makasuhan o madiin ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa kontrobersiyal na “gentleman’s agreement” sa pagitan nina dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Chinese President Xi Jinping.

Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na masyado pang maaga para makasuhan at madiin ang mga opisyal ng pamahalaan na di-umano’y sangkot sa “secret agreement” partikular na ang dating Pangulong Duterte.

“Wala pa naman tayong napapatunayan sa investigation na ito. Nakaka-dalawang hearings pa lamang tayo at siguro hindi pa sapat para para makakuha tayo ng sufficient evidence or information tungkol sa secret agreement na ito. Mahabang proseso pa ito bago tayo magkaroon ng conclusion,” ayon kay Barbers.

Ipinaliwanag din ni Barbers na hindi lamang nakatutok ang isinasagawang imbestigasyon ng House Committee on Defense and National Security at Committee on West Philippine Sea (WPS) sa “gentleman’s agreement” kundi sa kalagayan ng mga mangingisda sa Bajo de Masinloc.

Binigyang diin ni Barbers na sa kasalukuyan. Mas tinututukan ng dalawang Komite ang pagiging agresibo ng China sa pamamagitan ng Chinese Coast Guard laban sa mga Pilipinong mangingisda na pumapasok sa Bajo de Masinloc na labis naman ikinababahala ng mga kongresista.

Ayon sa kongresista, malaking epekto para sa mga mangingisda ang babala ng Chinese Coast Guard na aarestuhin nila ang mga Pilipinong mangingisda na papasok ng Bajo de Masinloc. Kung saan, binigyang diin ni Barbers na malaking epekto ang ibubunga nito sa kabuhayan at hanapbuhay ng mga mangingisda.

“Naka-focus ang aming investigation hindi lang sa secret agreement kundioo sa kalagayan ng ating mga mangingisda at sa pagiging agresibo ng mga Chinse Coast Guard dahil malaking problema ito,” wika pa ni Barbers.